Tumitimo ang paalala ng isang alagad ng simbahan: Ang pagiging ganid at mapagsamantala o tuso ay isang malaking pagkakasala sa Panginoon at sa ating naghihirap na mga kababayan. Ganito rin ang paggunita ng maraming sektor ng ating sambayanan na masyadong magmamalasakit sa kanilang kapuwa na nakalugmok sa iba’t ibang problema, lalo na ngayong tayo ay binabayo na naman ng malagim na kalamidad, tulad nga ng pananalasa ng bagyong si Ruby.

Ang kanilang mga paalala ay nakaangkla sa sinasabing talamak na pagsasamantala ng ilang negosyante, lalo na sa mahigit na 30 lugar na dinadaanan ng bagyo; karamihan dito ay naganap at nagaganap pa ang pag-landfall ng naturang bagyo. Sagad umano sa pagtataas ng presyo ang naturang mga tindera na malimit taguriang mga buwitre ng lipunan. Hindi ba ang ganitong paraan ng masakim na pagnenegosyo ay patunay ng kanilang kawalan ng budhi o konsiyensiya sa kanilang kapuwa? Hindi ba dapat nilang pairalin ang pagkakaroon ng makataong pagnenegosyo, lalo na kung may mga kalamidad? Hindi ba dapat na sila pa ang manguna sa pagdamay sa ating maralitang mga kapatid?

Sa bahaging ito, maitatanong: Wala bang kamay na bakal ang ating gobyerno upang mabawasan kundi man ganap na masugpo ang pagkagahaman ng ilang negosyante? Bakit kailangan pang makiusap sa mga manufacturers ang Department of Trade and Industry upang pababain o panatilihin ang presyo ng kanilang mga bilihin? Hindi ba umiiral ngayon ang Price Stabilization Law? O, talagang bingi, manhid at walang malasakit ang administrasyon sa karukhaan ng ating mga kababayan? Naniniwala ako na ang mahihigpit na hakbang laban sa tuso at ganid na mga negosyante na pangunahing pangangailangan ay maipatutupad ng pamahalaan, kung nanaisin nito, sa pamamagitan ng DTI. Sakop nito ang mga komersyante, maliban sa mga oil manufacturers na protektado ng Oil Deregulation Law (ODL). Walang lakas ang gobyerno upang hadlangan ang pagkagahaman ng naturang mga kompanya, hangga’t hindi napapawalang-bisa ang naturang batas.

Samantala, hintayin na lamang natin kung hanggang kailan iiral ang malinis na budhi o konsensiya ng ilang negosyante; kung kailan nila tutularan ang isang makataong hanapbuhay.
Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon