Sa kabila ng kanilang sakripisyo, nangunguna pa rin ang mga Pinoy nurse sa may pinakamababang sahod sa bansa.
Ito ang nagudyok kay “Paul Nursetradamus” ng Roxas City na ipaskil sa global reform website ang kanyang hinanakit sa gobyerno sa umano’y pagwawalang bahala nito sa kapakanan ng mga Pinoy nurse na sumasahod ng P150 hanggang P350 kada araw.
Bagamat sila ang nangunguna sa pagsagip ng buhay, ikinalungkot ni Paul ang kanilang mababang sahod na daig pa ng mga obrero na hindi kailangan ng professional license subalit nakatatanggap ng malaking suweldo tulad ng karpentero, call center agent, sekretarya, office clerk, driver ng bus.
“Hindi mapapatanayan ng salapi ang serbisyo na aming ibinibigay. Kami ang nagaaruga sa mga may karamdaman subalit hindi pa rin ito binibigyan ng kahalagahan,” pahayag ni Paul sa kanyang petisyon sa Change.org website na umani ng halos 500 lagda.
Aniya, nalalagay ang kanilang kalusugan sa peligro tuwing sila ay nahaharap sa mga pasyenteng may Tetanus, Tuberculosis, rabies, pneumonia, HIV/AIDs at iba pa subalit hindi nila ito iniinda.
Maging pangulo ng isang bansa, o kahit pa hari o reyna ng isang lugar ay nangangailangan ng nurse tuwing magkakasakit, giit ni Paul.
Ang mababang sahod ang dahilan kung bakit ninanais pa ng maraming Pinoy nurse na makipagsapalaran sa ibang bansa upang humanap ng ibang trabaho na may mas malaking sahod.
Ang mga sumusunod ang ilang sa komento sa petisyon:
Walden Ruefa ng Roxas City: Kasi isa akong nurse at hirap din sa buhay.
Leonardo Sagkal ng Valenzuela City: P10,000 ay para lamang sa isang kasambahay sa Pilipinas. P20,000 ang tamang sahod para sa Pinoy nurse.
Maria Bernadette Mayuga ng Sakaka, Saudi Arabia: I support the nurse movement.