Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga bagay na nakakaligtaan natin dahil masyado tayong abala sa paghahanapbuhay. Ito ang mga bagay na higit pa sa iyong trabaho...
- Ang paghakbang ng panahon. -. Mahalaga ang time management skills sa kahit na sinong propesyonal kung nagnanais itong mabalanse ang kanyang pamumuhay, kung saan mayroon kang sapat na panahon para sa lahat ng bagay. Kapag nabalanse mo ang iyong trabaho at social life, madali kang makalilikha ng oras para sa iyong hobbies o iba pang aktibidad na nagpapasaya sa iyo (sports, computer games, mag-videoke, etc.). Gamitin mo ang Sabado at Linggo nang mahusay at kapaki-pakinabang. Pumasok ka sa trabaho sa takdang oras at umuwi ka rin sa takdang oras.
- Pagkakawanggawa. - Mahirap ang buhay ngayon. Teka, kelan ba guminhawa ang buhay? Heto ang balita: Hindi na giginhawa ang buhay. At dahil mahirap nga ang buhay, bakit ka pa tutulong sa iba? Siguro, itinatanong din ito ng mayayaman paminsan-minsan. Ngunit simple lang ang sagot: Maaalala ka sa kung paano tinatrato ang mga kapos-palad. Hindi lamang na nakadarama ka ng kaligayahan kapag tumutulong ka, binabago mo rin ang takbo ng pamumuhay ng iyong kapwa. Tumutulong ka dahil gusto mo at ramdam mo ang pangangailangang makatulong ka. Maraming paraan upang makatulong, at hindi ka kakapusin sa mga bibigyan mo ng tulong. Kahanga-hanga marahil ang isang daigdig na nagtutulungan ang mga tao!
- Ang kahalagahan ng mga kaibigan. - Malungkot ang buhay kung walang mga kaibigan. Walang tatawa sa jokes mo, wala kang mahihingian ng payo, wala kang masasabihan ng iyong mga sikreto. Tulad din ng iyong pamilya, mahalagang paglaanan mong panahon ang iyong mga kaibigan. Batid naman nila na abala ka sa paghahanapbuhay, ngunit naglalaan ka ng panahon upang makapiling sila, isang indikasyon iyon na pinahahalagahan mo ang inyong pagkakaibigan. Sila ang iyong mga kandila sa mga panahong ikaw ay nasa karimlan.