Bacolod City -- Isang makulay na pagtatanghal ng dinarayo at hinahangaan dito na Masskara ang isasalubong at ipantataboy palayo sa super bagyo na si `Ruby’ sa opisyal na pagbubukas ngayon ng 2014 Batang Pinoy National Finals na gagawin sa Paglaum Sports Complex.
Sinabi ni PSC Games chief Atty. Ma. Fe “Jay” Alano na hindi na mapipigilan pa magdala man ng ulan at hangin ang bagyong Ruby ang tradisyunal na parada at panimulang seremonya kung saan panauhing pandangal ang kinikilala bilang tatay ng Batang Pinoy na si Bacolod City Mayor Monico Puentevella.
“We are so proud to have the Batang Pinoy born here,” sabi ni Puentevella. “It’s like being a father now to all the young kids that has, and will become successful not just in the sports someday but in life also,” sabi pa nito.
Nagdesisyon naman ang nag-oorganisang Philippine Sports Commission (PSC) na iusog ang lahat ng mga laro simula Disyembre 10, imbes na sa orihinal na Disyembre 9, upang mapagbigyan ang kahilingan ng iba’t-ibang delegasyon na nagnanais na humabol at makapagpartisipa sa torneo.
“We will instead do the solidarity sa mga magpapartisipang national sports associations (NSA’s) bago isagawa ang opening ceremony and then refresher’s course sa lahat ng mga technical officials na mamamahala sa kabuuang 27 sports na paglalabanan,” sabi ni Alano.
Dapat sanang isasagawa ngayong umaga ang kompetisyon sa duathlon saan nakataya ang pinakaunang gintong medalya sa torneo subalit iniusog ito Miyerkules ng umaga, Disyembre 10, kasabay din ang kampeonato na binubuo ng cycling (New Airport Access Road), pencak silat (Rizal Elementary School), Espenawushu sa Trinity Christian School at ang bagong sali na Fencing na gaganapin sa Manila.
Marami na ang dumating sa mahigit na 3,000 kabataang atleta na nagkuwalipika sa pagwawagi ng ginto at tanso na medalya sa ginanap na tatlong qualifying leg bagaman marami pa rin ang na-stranded bunga ng pagdating sa bansa ng bagyo na si Ruby.
Ipinaliwanag din ni Alano na maaari rin lumahok ang mga nagsipagwagi ng tansong medalya subalit sagot nila ang kanilang partisipasyon at gastusin sa torneo. Gayunman, ibabalik ang kanilang nagastos kung magwawagi.
Paglalaban-labanan sa national finals ang mga sports na archery, arnis, athletics, badminton, basketball 3-on-3, billiards, boxing, chess, dancesport, futsal, karatedo, lawn tennis, muaythai, sepak takraw, softball, swimming, table tennis, taekwondo, volleyball, weightlifting at wrestling.