Dalawang araw bago inaasahang bumagsak ang bagyong Ruby sa kalupaan ng bansa, na ayon sa PAGASA ay tatama sa Borongan, Eastern Samar, pinulong ni Pangulong Noynoy ang National Disaster Reduction and Management Council (NDRRMC). Inalam niya ang kahandaan nito sa pagtulong sa mamamayan kapag nanalasa na ang bagyo. Ayaw na niyang maulit ang naganap noon, isang taon na ang nakaraan nang pasukin at salantahin ng super bagyong Yolanda ang bansa. Winasak at pinadapa ng bagyong ito ang lahat ng kanyang madaanan.
Nagiwan ito sa kanyang dinaanan ng libu-libong bangkay. Marami pa ang nangawala. Bumabangon pa lang ang mga nasalantang lugar, eto naman ngayon si Ruby na sa pagtaya ng PAGASA ay dito na naman tatahak. Eh itong si Ruby ay kauri rin daw ni Yolanda sa lakas at lawak ng nasasakupan.
Pero, may himalang naganap, wika ng forecaster. Sa pagtutok ng PAGASA kay Ruby sa layuning malaman hindi lang ang kanyang direksyon kundi pati ang kanyang lakas, iniulat ng forecaster na may Divine intervention na nangyari. Ang taglay na lakas ng bagyo ay nabawasan nang pasukin at makihalo dito ang hanging amihan buhat sa Japan. Magkagayon man, sabi ng forecaster, kahit ganito ang nangyari bagyo pa rin ito dahil sa dala niyang lakas. Hindi na gaya ni Yolanda si Ruby nang tumama na ito sa kalupaan kahit bagyo pa rin itong itinuring. Wala na siya ng bangis at lupit ni Yolanda. Ikinalat niya ang dala niyang ulan.
Pinaghandaan nang lubos ng gobyerno ang pagdating ni Ruby. Pero limitado ang kakayahan nito at magagawa lang nito ang kanyang limitadong kakayahan pagdating na ng bagyo. Walang kinalaman ang kanyang kakayahan sa mababago ito. Pero, mayroon ang Simbahan at ang CBCP. Binuo nila ang sambayanan sa pakikipagusap sa ating Panginoong Diyos na iadya niya ang ating bansa at mamamayan. Napakalaking bagay din ang ginawa ng mga taga Tacloban na samantalang abala ang iba para ilagay nila sa ligtas na lugar ang kanilang mga sarili, mayroon namang ipinrusisyon ang imahe ng ating Inang Birhen. Ito ng pananampalataya.