Walang dudang aaprubahan ng Kamara de Representantes ngayong linggo ang House Joint Resolution No. 21 na nagkakaloob kay Pangulong Aquino ng emergency power upang tugunan ang umano’y napipintong power crisis na inaasahang tatama sa Luzon Grid sa summer ng 2015.

Ang Pangulo mismo ang paulit-ulit na nanawagan sa pag-apruba ng naturang resolusyon. At ang Kamara, na pinaghaharian ng mga miyembro ng kanyang Liberal Party at mga kaalyado sa administrasyon, ay pabibilisin ang approval nito, sa harap ng mga katanungang inilutang ng oposisyon at ilang pribadong grupo.

Ilan sa mga katanungan na ito ay: Gaano kalaki ang kakapusan sa power supply na inaasahan sa 2015? Minsan, tinaya ito sa 300 megawatts, at itinaas sa 1,004 megawatts ng Department of Energy (DOE).

At pagkatapos mayroong pag-amin ng ilang opisyal ng DOE sa isang pagdinig sa Kamara, na wala naman talagang paparating na krisis, dahil walang shortage at isang “pagnipis ng mga reserba” lamang ng 300 megawatts, ayon kay Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, leader ng House Independent Bloc.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Mayroong pangamba na sa emergency power, makikipagkontrata ang Pangulo sa karagdagang enerhiya na may sobra-sobrang singil, na mauuwi sa mas mataas na bayarin sa kuryente para sa mga consumer – tulad ng nangyari sa naunang administrasyon. Ngunit tiniyak ni Rep. Rey Umali, chairman ng House Committee on Energy, na ang approval ng resolution “will not even add a single centavo to our electric bills”.

Ang natitira na lamang ay ang tunay na dahilan ng panawagan ng ilang opisyal para sa emergency power ay upang pahintulutan ang ilang power producer na magpatuloy sa mga proyekto nito nang walang hadlang ng ating kasalukuyang environmental laws. Nananawagan ang House Resolution 21 para sa pansamantalang suspensiyon ng ilang batas, mga panuntunan, at regulasyon kung nakahahadalang ang mga ito sa implementasyon ng iba’t ibang hakbang na pinaniniwalaan ng Pangulo na makapipigil sa power crisis.

Kabilang sa mga batas na iminungkahing suspindehin sa probisyon ng resolusyon ay ang Clean Air Act, ang Biofuels Act, at ang Solid Waste Disposal Act. Isang power project sa Subic na inihinto ng Writ of Kalikasan na inisyu ng Supreme Court (SC) noong 2012 ang makikinabang dito. Tutuligsain ang probisyong ito bilang unconditional sa Supreme Court kung maaprubahan ang Resolution 21, ayon sa Kabataan party-list Rep. Teddy Ridon.

Ang Ehekutibo at ang Lehislatura, na hitik sa kapangyarihan, ay maaaring gawin ang lahat upang maaprubahan ang emergency power resolution ngayong linggo. Tulad ng ilang naunang kaso, partikular na ang Disbursement Acceleration Program (DAP), ang maaari na lamang gawin ay ang maghain ng isang petisyon sa SC, na kumukuwestiyon sa konstitusyonalidad ng isang resolusyon na nagsususpinde sa pagpapatupad ng mga batas.