Maghihinay-hinay ang Quezon City government sa paniningil ng buwis sa mga lokal na artista at producer sa pamamagitan ng pagbawas ng tatlong porsiyento sa kasalukuyang tax rate sa musical concert, theatrical play, fashion show at ibang live performance.
Iniakda ni Councilor Eufemio Lagumbay ang Ordinance No. SP 2348 S2014 , na nagsusog sa item II Section 39 Article 15 sa amusement activities ng Quezon City Revenue Code, pagbabawas sa tax rate ng walong porsiyento hanggang limang porsiyento.
Bilang insentibo sa mga local producer at performer, layunin ng ordinansa na nilagdaan ni Mayor Herbert Bautista noong Nobyembre 4, 2014 para himukin ang entertainment industry na gumawa ng maraming production at magtatanghal ng mga lokal na artista.
Ayon kay Lagumbay, sa kasalukuyan, bumaba ang local production sa attendance kumpara sa foreign production dahil sa popularidad at market strategy ng mga international entertainment company.
Aniya, napapanahon na upang suportahan ng city government ang mga lokal na artista at production outfit sa muling pagbuhay sa entertainment industry sa bansa.
“Giving them some tax relief would surely help them to compete with international artists and productions,” saad ni Lagumbay.
Ayon pa sa konsehal , maramimg de kalidad na artista ang Pilipinas sa larangan ng pag–awit, pag-arte at pagsayaw kumpara sa international artists na dumalaw sa bansa.