Si Philippine National Police (PNP) Deputy Director for Operations Leonardo Espina ang pansamantalang magiging hepe ng pambansang pulisya habang suspendido si PNP Director General Alan Purisima.
Tiniyak din ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas na hindi makaaapekto ang suspensiyon ni Purisima sa PNP bilang organisasyon, partikular sa gitna ng pananalasa ng bagyong ‘Ruby’.
“Yung pansamantalang mamamahala muna, at least hanggang sa Lunes or matapos itong si Ruby, ay ‘yung number three na si General Espina,” sinabi ni Roxas sa isang panayam sa radyo nitong Sabado.
Ang ikalawang pinakamataas sa PNP na si Gen. Felipe Roxas ay kareretiro lang at si Espina na ang kasunod nina Purisima at Roxas.
“The PNP is bigger than anyone person, than Mar Roxas, Alan Purisima o kahit sino pa,” sabi pa ng kalihim.
Sinabi rin niyang buong-buo ang puwersa ng PNP laban sa bagyong Ruby.
“Ang buong puwersa ng PNP ay nakatutok. Ang mga pulis natin at saka bombero, inilalagay nila ang sarili nila sa kapahamakan para bantayan ang seguridad ng ating mga kababayan. At mga sanay naman ‘yan kahit sino pa ang OIC or Chief PNP,” sabi pa ni Roxas.
Kasabay nito, sinabi ng kalihim na tutupad ang DILG sa suspension order ng Office of the Ombudsman laban kay Purisima.
Matatandaang ipinag-utos ng Ombudsman nitong Disyembre 4 ang anim na buwang preventive suspension kay Purisima dahil sa umano’y maanomalyang kontrata sa courier service na Werfast Documentation Agency.
Gayunman, sinabi ni Roxas na karapatan ni Purisima na maghain ng petisyon para sa temporary restraining order (TRO) upang kuwestiyunin ang suspension order.