Posibleng iurong ng Ronda Pilipinas ang itinakda nitong pakarera sa 2015 upang bigyang prayoridad ang mga paglahok ng pambansang koponan sa internasyonal na mga torneo na Asian Cycling Championships at Le Tour De Filipinas. Sinabi ng organizers ng pinakamalaking isinasagawa na multi-stage cycling race sa bansa na pinag-aaralan nila ang posibleng pagbabago sa kanilang itinakdang iskedyul na Pebrero 8 hanggang 28 na makakasabay ang pagsagawa ng dalawang internasyonal na karera.

Ang Le Tour De Filipinas ay idaraos simula Pebrero 1 hanggang 4 sa piling lugar dito sa Pilipinas at ang Asian Cycling Championships (ACC) ay magaganap naman sa Thailand sa Pebrero 10 hanggang 14.

Ipinaliwanag ni Ronda Pilipinas Executive Director Moe Chulani sa panayam ng DZSR Sports Radio na kanilang mas binibigyang importansiya ang hangarin ng mga Pilipinong siklista na makatuntong sa Olimpiada at iba pang matataas na kalibreng karera sa pagtipon ng mga kailangang UCI points.

“We want our Philippine riders’ to reach their goal of making it to the Olympics and other high level races by grabbing UCI points in competitions like Le Tour and the ACC,” sabi ni Chulani.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Inaasahang lalahok sina Mark Galedo at Ronald Oranza para pamunuan ang 12-man Philippine Team sa paglahok sa Asian Cycling Championships at pati na rin sa pagsikad ng Le Tour de Filipinas kung saan si Galedo ang siyang nagtatanggol na kampeon. Si Galedo ay gold medalist sa SEA Games habang may tanso si Oranza.

Idinagdag ni Chulani na nakatakdang magpulong ang Ronda organizers sa mga kasaling koponan at iba pang personahe upang maiayos ang iskedyul at pag-usapan din ang ibang proposals tulad ng paglahok ng all national riders sa Ronda bilang National team A at B at pati na pagbuo ng dalawang koponan na all Under 19 at under 23.

Inaasahan ni Chulani na mailalabas ang pinal na desisyon bago ang Disyembre 15.