Nanawagan kahapon si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino sa publiko maging sa local government units sa Metro Manila na mag-ingat at maghanda sa posibleng pananalasa ng bagyong ‘Ruby’ na inaasahan kagabi.
Iniapela rin ni Tolentino sa mga ito na tanggalin muna ang mga nakasabit na parol upang maiwasang masira at hindi maka-disgrasya lalo na’t inaasahan ang malakas na bugso ng hangin at ulan na dala ng naturang bagyo habang papalapit ito sa Kamaynilaan.
Nanghihinayang kasi ang opisyal lalo na kung mamahalin at bago ang mga parol na aniya’y maaari namang ibalik muli sa pagkakasabit ang mga ito pagkaalis ng bagyo sa teritoryo ng bansa.
Nakiusap din ang MMDA chief sa mga contractor ng mga gumagawa ng malalaking gusali sa Metro Manila na ilagay sa ligtas na lugar ang mga ginagamit na tower crane para hindi magdulot ng aksidente.
Pinatitiyak din ni Tolentino na matibay at ligtas ang mga andamyo na posible kasing masira dahil sa lakas ng hangin at ulang dala ng bagyo.
Pinaalalahanan naman ang mga residente na sakaling lilikas ay iwasan na lamang dumaan sa mga ginagawang gusali upang hindi mabagsakan ng debri o anumang bagay na nasa construction site.
Samantala, pansamantalang itinigil ng MMDA ang operasyon ng Pasig River Ferry System simula nitong Sabado hanggang Disyembre 10 bilang pag-iingat at pagtiyak sa kaligtasan ng mga pasahero dahil na rin sa masamang panahon.