Ni ELENA ABEN

Bagamat umaasa ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na mababa ang bilang ng mga casualty sa paghagupit ng bagyong “Ruby” sa Visayas at Southern Luzon, maraming lugar ang nawalan ng supply ng kuryente at komunikasyon matapos pabagsakin ng malakas na hangin at matinding buhos ng ulan ang mga poste ng kuryente at cell site.

Sinabi ni NDRRMC Executive Director Alexander Pama, umabot sa 146,875 pamilya o 716,639 katao mula sa Region 4, 5, 6, 7, 8 at Caraga ang nagsilikas sa mga ligtas na lugar laban sa posibleng pagbaha.

Ang Western Samar ang may naitalang pinakamalaking bilang ng mga nagsilikas na umabot sa 54,545 pamilya o 272,725 katao.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa Southern Leyte, umabot sa 2,352 pamilya o 11,760 katao ang nagsilikas sa mga government evacuation center.

Samantala, kasalukuyang nakararanas ng power outage ang 83 lugar sa Region 4-A, 6 at 8, kabilang ang Mulanay, Macalelon, at Catanauan sa Quezon Province; ilang lugar sa Iloilo at mga bayan ng Allen, Victoria, San Isidro, Lavezares, Catubig, Gamay, Laoang, Pambujan, La Navas, Bobon, Catarman, Mondragon, San Roque, Rosario, San Jose, at Lope de Vega sa Northern Samar; Sulat, Taft, Can-avid, Dolores, Oras, San Policarpio, Arteche, Jipapad, Maslog, Borongan City, San Julian, Maydolong, Llorente, Salcedo, Guiuan, McArthur, Hernani, Quinapondan, Giporlos, Balangiga, at Lawaan sa Eastern Samar.

Samantala, pinakilos na ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ang mga flood control team ng ahensiya dahil sa inaasahang pagtama ng bagyong “Ruby” sa Metro Manila ngayong Lunes.

Inilagay kahapon ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Kalakhang Maynila sa Typhoon Signal No. 1.

Inaasahang sa Miyerkules pa makaaalis sa Philippine area of responsibility (PAR) si “Ruby.”