Inutusan ni acting Health Secretary Janette Loreto-Garin ang mga regional director at itinalagang medical center chief ng Department of Health (DoH) na tiyaking hindi magkakasakit ang mga inilikas dahil sa pananalasa ng bagyong ‘Ruby’, upang maiwasan na rin ang pagkalat ng anumang sakit sa mga evacuation center.
“DoH regional office staff and Nurse Deployment Program nurses must be deployed to evacuation centers and be present in DoH desks 24/7 starting December 6, 2014 until the directive is revoked. Evacuation centers should be visited by DoH regional office directors or their officially designated representatives on a daily basis starting December 6, 2014 until the directive is revoked,” saad sa advisory ni Garin.
Ang mga DoH desk sa mga evacuation center ay dapat din na may sapat na supply ng gamot, emergency delivery kits, oral rehydration solutions, at iba pang mahahalagang medical supply. Pinakilos din ang mga lokal na grupo ng sanitation at hygiene.
Samantala, ang lahat ng buntis sa mga evacuation center na nakatakdang magsilang ngayong Disyembre ay dapat na mailipat sa pinakamalapit na ospital ng gobyerno.
Gayundin, dapat na arawaraw na magsumite kay Garin at sa Central Incident Commander ng mga report bago sumapit ang 8:00 ng umaga.