Mga laro ngayon (Ynares Sports Arena):

12pm -- Bread Story vs. Cebuana Lhuillier

2pm -- Café France vs. Hapee

4pm -- Cagayan Valley vs. Racal Motors

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Mapanatili ang kanilang pamumuno sa pamamagitan ng pagpuntirya sa kanilang ikaanim na sunod na panalo ang kapwa tatangkain ng mga kasalukuyang lider na Hapee at Cagayan Valley sa dalawang magkahiwalay na laro ngayong hapon sa pagpapatuloy ng 2015 PBA D League Aspirants Cup.

Unang sasalang ang powerhouse Fresh Fighters sa ikalawang laban ganap na alas-2 ng hapon kontra sa Café France habang susunod naman ang Rising Suns sa tampok na laro ganap na ika-4 ng hapon laban sa baguhang Racal Motors.

Kung ang coaches ng kani-kanilang kalaban ang tatanungin, hindi pa man nagsisimula ang laban ay may kalabuan na ang kanilang tsansa na manaig sa dalawang nangungunang koponan.

“Alam naman natin na powerhouse ang Hapee at man-for-man talagang no-match kami sa kanila,” pahayag ni Bakers coach Egay Macaraya. “Pero sabi nga bilog ang bola so lalaban pa rin kami, malay natin baka makasilat din kami.”

“Wala talaga kaming laban sa kanila kung match-up din lang ang paguusapan lalo na kay Tautuaa (Moala),” pahayag naman ni Alibaba coach Caloy Garcia na tinutukoy ang 6-foot-7 Fil-Tongan center ng Cagayan.

“We don’t have a legitimate big man, but we will try our best,” ayon pa kay Garcia na aasahan ang Mapua slotman na si Jessie Saitanan para tumapat kay Tautuaa na nagtala ng double-double sa nauna niyang dalawang laro para sa Rising Suns.

Bagamat sinasabing nakakalamang sa tao, hindi naman ipinagwawalangbahala ni Hapee coach Ronnie Magsanoc ang kapasidad ng Café France.

“Solid din kasi yung Café France, lalo ‘yung core ng CEU team nila,” ayon kay Magsanoc matapos ang pagpapakita ng lakas ng kanyang koponan makaraang talunin ang Cebuana Lhuillier sa kabila ng pagkakaroon lamang ng walong players.

Sa pagkakataong ito, kumpleto nang makakalaro ang Fresh Fighters dahil makakasama na nila ang anim na manlalaro ng San Beda na manggagaling sa pagkakampeon sa nakaraang Philippine Collegiate Champions League na sina Ola Adeogun, Ryusei Koga, Nichole Sorella, Art de la Cruz,Jaypee Mendoza at Baser Amer.

Mauuna rito, makapagtala ng kanilang unang back-to-back wins na magpapatatag naman ng kanilang kapit sa ika-apat na posisyon ang target ng Cebunana Lhuillier sa pagsagupa nito sa baguhang Bread Story-Lyceum.

Taglay ang patas na barahang 3-3, panalo-talo, tatangkain ng Gems na makamit ang pang-apat na panalo upang makaagapay sa mga namumunong koponan habang magkukumahog naman ng Bread Story na makaahon mula sa kinalalagyan ilalim ng team standings kasalo ng MP Hotel hawak ang nag-iisang panalo kontra limang talo sa unang anim na laro.