Matapos sentensiyahan ng tatlong taong pagkakakulong dahil sa pagtanggap ng suhol, humirit sa Sandiganbayan ang isang dating trial judge na bawiin ang nasabing hatol habang iginigiit na wala siyang kasalanan.
Ito ay matapos maghain si dating Judge Henry Domingo ng Bulacan ng motion for reconsideration sa Sandiganbayan Fifth Division na humihiling na baligtarin ang nabanggit na desisyon na ipinalabas nito noong Nobyembre 19 na nagdeklarang nagkasala siya sa indirect bribery dahil sa pagtanggap ng P20,000 suhol para sa paborableng desisyon sa isang kaso noong 2003.
Umaasa si Domingo na babawiin ng korte ang hatol sa na makulong siya nang tatlong taon, anim na buwan at 21 araw matapos niyang muling igiit na hindi siya tumanggap ng suhol.
Kinasuhan si Domingo ng indirect bribery matapos siyang maaresto sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) sa La Familia Restaurant sa Baliwag, Bulacan noong Pebrero 17, 2003.
Nabawi mula sa hukom ang P10,000 cash at P10,000 tseke na kanyang tinanggap kay Ildefonso Cuevas, isang negosyante, na ang kapalit ay paborableng desisyon sa kaso ng falsification of public documents na inihain laban kay Cuevas.
Sa kanyang mosyon, iginiit ng mga abogado ni Domingo na hindi tumanggap ng bribe money ang kanilang kliyente mula kay Cuevas at ito ay papaboran ng korte.