Umulan man o umaraw, mula sa pagbabadya ng bagyong Ruby, ay handang-handa pa rin ang lokal na pamahalaan ng Bacolod City sa muli nitong pagsasagawa ng kampeonato ng 2014 Philippine National Youth Games – Batang Pinoy na sasambulat bukas, Disyembre 9 hanggang 13.

Ito ang siniguro mismo ni Bacolod City Mayor at dating PSC Commissioner Monico Puentevella sa mga naunang dumating na delegasyon na binubuo ng mga kabataang nagsipagwagi ng ginto at pilak na medalya mula sa tatlong isinagawang qualifying leg sa Mindanao (Zamboanga Del Norte), Visayas (Kalibo, Aklan) at Luzon (Naga City).

“Nakahanda naman tayo lagi sa mga situwasyon na ganyan lalong-lalo na kapag may dumadaan na bagyo. Huwag naman sana na tamaan tayo na direct hit dahil kawawa ang mga atleta natin,” sabi ni Puentevella, na siya mismo nagauthor ng batas na nagsagawa sa Batang Pinoy.

Opisyal na sisimulan bukas, ang unang gintong medalya na pag-aagawan ay nakataya sa duathlon event sa tatlong araw na kompetisyon sa Triathlon. Sinabi ni PSC Games chief Atty. Maria Fe “Jay” Alano na nakahanda na ang lahat ng mga gagamiting na tournament venue ng kabuuang 27 isports na nakatakdang paglabanan at pagsagawaan ng kada taon na grassroots sports development program ng PSC.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“We are extending our registration up to the 10th dahil sa mga delay sa ating air at sea transportation dahil sa bagyo. Umaasa tayo na wala naman masamang mangyari sa mga delegasyon na magtutungo dito sa torneo,” sabi ni Alano.

Magsasagupa naman ang mga pinakamagagaling na batang atleta edad 15-anyos pababa sa pinakahuling yugto ng torneo na nagsisilbi rin na talent identification program ng PSC para sa mga hinahanap nitong posibleng maging mga pambansang atleta sa susunod na panahon.

Maliban sa triathlon, apat na iba pang isports na hindi nagsagawa ng qualifying leg sa Mindanao, Visayas at Luzon leg ang magsasagawa rin ng kanilang kampeonato na binubuo ng cycling (New Airport Access Road), pencak silat (Rizal Elementary School), wushu sa Trinity Christian School at ang bagong sali na Fencing na gaganapin sa Manila.

Ito ang unang pagkakataon na isasagawa ang sports na fencing sa torneo subalit hindi sa Bacolod City na matatandaang sinilangan ng torneo noong 1998.

Magsasama-sama naman ang mahigit na 3,000 kabataang atleta na nagsipagkuwalipika sa pagwawagi ng ginto at tanso na medalya sa ginanap na tatlong leg. Maaari rin lumahok ang mga nagsipagwagi ng tansong medalya subalit sagot nila ang kanilang partisipasyon.

Paglalaban-labanan sa national finals ang mga sports na archery, arnis, athletics, badminton, basketball 3-on-3, billiards, boxing, chess, dancesport, futsal, karatedo, lawn tennis, muaythai, sepak takraw, softball, swimming, table tennis, taekwondo, volleyball, weightlifting at wrestling.