Nahirang ang Ateneo de Manila University (ADMU) men’s basketball team captain na si Kiefer Ravena bilang SMART Player of the Year sa katatapos na UAAP-NCAA Press Corps 2014 Collegiate Basketball Awards noong nakaraang Huwebes ng gabi sa Saisaki-Kamayan EDSA.
Nakamit ni Ravena ang pangunahing karangalan sa taunang parangal na inorganisa ng mga mamamahayag na nagkokober ng dalawang pangunahing collegiate leagues sa bansa dahil sa kanyang hindi malilimutang performance sa nakaraang Season 77 ng UAAP kung saan siya nagwagi ng kanyang unang MVP award.
Nakamit ng Blue Eagles standout ang boto mula sa bumubuo ng dalawang Press Corps dahil na rin sa kanyang patuloy na pagiging mapagkumbaba sa kabila ng tinatamasa niyang popularidad at mga naaning karangalan sa loob at labas ng hard court kung saan ay inialay nito ang nakamit na award sa kanyang yumaong lolo na si Danny Crisologo.
“I dedicate this trophy to my lolo who recently passed away. Para sa kanya din itong award na ito,” pahayag ni Ravena na tinukoy ang ama ng kanyang ina na si Mozzy Crisologo Ravena.
Kasalo ni Ravena sa limelight sa nasabing okasyon sina coach Eric Altamirano ng National University (NU) at coach Boyet Fernandez ng San Beda College (SBC).
Natanggap nina Altamirano at Fernandez ang Coach of the Year awards sa nasabing awards rites na suportado ng Smart Sports, Accel 3XVI and Kohl Industries (Doctor J alcohol, Bactigel hand sanitizer, at Mighty Mom dishwashing liquid) dahil sa naging paggabay nila sa kanilang mga koponan tungo sa kampeonato ng mga kinaaniban nilang liga.
Labis ang kasiyahan ni Altamirano sa kanyang naging pagtanggap sa unang Coach of the Year award sa kanyang career.
“Actually, matagal na akong nagko-coach, ngayon lang ako nagka-award. I would like to thank my family who was there all the time. I would also like to honor my assistant coaches, NU management, and lastly God for this opportunity,” ani Altamirano.
“I’d like to thank my coaches and my players for giving the five-peat to San Beda,” pahayag naman ni Fernandez, na dating naging player ni Altamirano sa Purefoods at ngayo’y head coach na rin sa PBA para sa koponan ng NLEX. “I’m going to miss the NCAA. I hope that I would last longer sa PBA.”
Bukod sa naunang nabanggit niyang award, kasama rin si Ravena sa mga napili para maging miyembro ng Collegiate Mythical Five na kinabibilangan nina NCAA MVP Earl Thompson ng University of Perpetual Help, Ola Adeogun ng San Beda, Jeron Teng ng La Salle at Mac Belo ng Far Eastern University (FEU).
Tumanggap din ng pagkilala sa nasabing okasyon sina Troy Rosario ng NU bilang Doctor J Breakthrough Player at San Beda playmaker Baser Amer bilang Accel Court General, kasama ang kakampi ni Rosario na si Alfred Aroga at si Anthony Semerad ng San Beda bilang Pivotal Players. Sina Gelo Alolino ng NU at Jiovani Jalalon ng Arellano University (AU) ang kinilala naman bilang Impact Players.
Samantala, pinarangalan din bilang Super Seniors sina San Beda power forward Kyle Pascual, NU forward Glenn Khobuntin at La Salle guard Almond Vosotros sa taunang event na suportado rin ng San Miguel Corporation, NLEX, Gatorade, UAAP Season 77 host University of the East (UE), NCAA Season 90 host Jose Rizal University (JRU) at ng Philippine Sportswriters Association (PSA).