Ni Madel Sabater-Namit

Walang dudang music lover si Pangulong Benigno S. Aquino III, pero dahil wala siyang love life ngayon, umamin siyang iniiwasan niyang makinig ng love songs.

Matagal nang zero ang love life ang 54-anyos na binatang Presidente.

Sa 28th Bulong Pulungan Christmas party noong Biyernes, sinabi ni Pangulong Aquino na mas naging importante ang musika sa kanya nang maging Pangulo siya dahil isa ito sa mga paraan niya para mag-unwind.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nang tanungin kung nakikinig siya ng love songs, prangkang inamin ni PNoy na hindi ito kasama sa kanyang mga prioridad.

“If I can avoid them, I do,” anang Pangulo.

Sinabi rin ng Presidente na ang sagot niya sa mga tanong tungkol sa kanyang love life “remains the same.”

Matatandaang una nang sinabi ng Pangulo sa isa sa mga pagtitipon ng mga mamamahayag na maikukumpara sa Coke Zero ang kanyang buhay pag-ibig, na nangangahulugang wala siyang love life sa ngayon.

Ilang babae na ang naugnay sa Pangulo simula nang maluklok siya sa puwesto, kabilang ang dati niyang nobya na si dating Valenzuela Councilor Shalani Soledad—na asawa na ngayon ni Pasig City Rep. Roman Romulo—ang stylist na si Liz Uy, ang stock broker na si Len Lopez, ang gurong si Bunny Calica, at Filipino-Korean TV host na si Grace Lee.

Gayunman, sinabi ng Pangulo na madalas siyang nakikinig sa jazz music sa gabi “to calm down.”

“Minsan, religious songs para kumalma ako talaga,” sabi ng Pangulong Aquino, idinagdag na may mga panahong nakikinig din siya sa rock at dance music kapag nasa mood.

Pero sinabi ng Pangulo na may isang musika na hindi niya pinakikinggan—ang rap music.

“Ayoko ng rap, ayoko pa rin ng rap, with all due apologies,” anang Pangulo.