PANGALAWANG Linggo ng Adbiyento ngayong Disyembre 7, at nakasindi ang pangalawang kandila – ang kandila ng Bethlehem – kasama ng unang kandila. Ang tema ng mga pagbasa at pangaral sa Adbiyento ay ang paghahanda sa Pangalawang Pagdating ni Jesus habang ginugunita ang Kanyang Unang Pagdating sa Pasko.
Isinulat ni Propeta Isayas: “Tingnan ninyo, ipinadadala ko ang aking emisaryo na nauuna sa inyo, na maghahanda ng daan para sa inyo; ang tinig na sumisigaw sa ilang: ‘Ihanda ang daan ng Panginoon, ituwid ang Kanyang mga daraanan’.” Ang emisaryo ay si San Juan Bautista na nagsabing “Ituwid ang mga daan, pagsisihan ang mga kasalanan, magpabinyag, at mamuhay nang may kabanalan na matapat sa Diyos.” Ang mga pagbasa sa Biblia para sa Pangalawang Linggo ng Adbiyento ay hango sa Micah 5:2 at Lucas 2:1-7.
Ang pangalawang kulay lilang kandila sa Pangalawang Linggo ay kumakatawan sa pag-asa ng pagdating ni Kristo sa daigdig. Ang “pag-asa” ay may dalawang kahulugan sa Biblia – ang una, tiqvah, ay ang masigasig na paghihintay; ang pangalawa, elpis, ay ang may kumpiyansang pag-asam base sa katiyakan. Ang Biblikal na pag-asa ay nakaankla sa katapatan ng Diyos sa Kanyang mga pangako. Para sa mga leader sa Lumang Tipan, ang kanilang pag-asa ay nasa pagdating ng Mesiyas. Para sa mga Kristiyano, ito ang pg-asa at paghihintay para sa maluwalhating pagbabalik ng Mesiyas. Nangyari ang plano ng Diyos para sa sangkatauhan may 2,000 taon na ang nakararaan sa Bethlehem, ang lugar na sinilangan ng Mesiyas, na buong kagalakang katuparan ng matagal nang hinihintay na pgnako ng katubusan.
Ang mga mananampalataya sa panahon ng Adbiyento ay maghahanda ng kanilang sarili upang maging karapat-dapat na ipagdiwang ang pagbabalik ng Panginoon bilang nagkatawang-taong pagmamahal ng Diyos, at upang gawing angkop na tahanan ng Manunubos ang kanilang mga kaluluwa, sa pamamagitan ng pangungumpisal at pagtanggap ng Komunyon, ang pagiging karapat-dapat sa grasya, nagbabasa ng Biblia, at tumutulong sa mga nangangailangan. Ang panahon ng Pasko ay panahon ng pag-ibig sa Diyos at kapwa, ngunit ang pag-ibig na iyon ay hindi lamang tuwing Pasko kundi sa lahat ng taon.
Ang Adbiyento ang unang panahon sa ecclesiastical year ng Simbahan. Mula pa noong ika-7 siglo, kabilang na ang selebrasyon sa preparasyon para sa Araw ng Pasko. Nagsisimula apat na Linggo bago mag-Pasko, ang dalawang layunin nito, una ang ihanda ang mananampalataya para sa selebrasyon ng pagsilang ni Kristo at ang pangalawa, ipaalala ang masigasig na paghihintay sa Kanyang pagbabalik sa kaluwalhatihan.
Ang kaugalian ng preparasyon sa buong daigdig ay ang paglalagay ng mga palamuti sa mga tahanan at mga lungsod gamit ang mga ilaw na may iba’t ibang kulay, mga bandaritas, mga anghel, bituin, mga imaheng may kaugnayan sa Pasko tulad ni Santa Claus, reindeer, at Frosty the Snowman, at ang pagsisindi ng Advent wreaths sa mga simbahan. Sa mas nakararaming tahanang Pilipino, may Christmas tree, Belen, at parol na matagal nang mga simbolo ng Pasko.