Mga laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)

3 p.m. Kia Sorento vs. NLEX

5:15 p.m. Ginebra vs. Rain or Shine

Pormal na makopo ang isa sa nakatalagang outright semifinals berth ang tatangkain ngayon ng Rain or Shine sa kanilang pagsagupa sa Barangay Ginebra San Miguel sa penultimate day ng elimination round ng PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kasalo sa kasalukuyan ng San Miguel Beer sa liderato na tangan ang barahang 8-2 (panalo-talo), kailangang maipanalo ng Elasto Painters ang laban nila sa Gin Kings upang masiguro ang awtomatikong pag-usad sa semifinal round.

Kapag nagkataon at nasilat pa sila ng Kings, bababa sila at papantay sa Alaska at Talk ‘N Text na may kartadang 8-3 at malamang na ang Tropang Texters pa ang umusad sa semis dahil sa mas mataas na quotient.

Gayunman, sakaling mabigo silang makamit ang hinahangad na outright semifinals spot, may konsolasyon pa rin silang twice-to-beat advantage papasok ng quarters kung saan ang kasunod na walong koponan sa mangungunang dalawa matapos ang eliminations ang maglalaban sa double phase playoffs.

Batay sa format, ang No. 3, 4, 5 at 6 teams ang may bentahe ng twice-to-beat kontra sa makakatapat nilang No. 10, 9, 8 at 7 squads, ayon sa pagkakasunod, sa Phase 1 ng quarterfinals kung saan ang magwawaging apat na koponan ay magtatagpo sa knockout phase para sa nalalabing dalawang semis slots.

Sa panig naman ng Kings, tiyak namang hindi ito basta na lamang bibigay sa kabila na wala na sila sa kontensiyon para sa outright semifinals berth.

Siguradong maghahabol ang tropa ni coach Jeff Cariaso na dugtungan ang huling panalo (101-92) kontra sa dating lider na Alaska Aces para mapaganda ang buwelo nila sa pagsabak sa playoffs.

Samantala, ganito rin ang hangad ng NLEX sa unang laban sa kanilang pagsalang kontra sa eliminated ng Kia Sorento.

“We have to win our last game in the eliminations against Kia in preparation for our next game in the quarterfinals,” pahayag ni Road Warriors coach Boyet Fernandez na umaasang magiging maganda ang kanilang ilalaro sa susunod na round.