Isinailalim sa blue alert status ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) bilang paghahanda sa pananalasa ng bagyong ‘Ruby’.
Handa na ang kalahating porsiyento ng mga tauhan ng MMDA at mga gamit ng ahensiya sakaling kailanganin ang rescue operation sa mga lalawigan sa Visayas na tinutumbok ng bagyo, gayundin sa posibilidad na maapektuhan nito ang Metro Manila dahil sa lawak ng bagyo.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, agad niyang ipinadala ang mga tauhan ng ahensiya sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Ikinatuwa naman ni Tolentino ang maagap na pagtugon at pagkukusa ng mga may-ari ng mga billboard sa Metro Manila na pansamantalang tiklupin o baklasin ang mga ito bago pa aktuwal na manalasa ang bagyong Ruby.
Sinimulan na rin kahapon ang MMDA ang operasyon ng flood control center sa monitoring ng floodway system sa Metro Manila.