“I hope I will not be the focus of the pastoral visit, but let Jesus Christ be the focus.” Ito ang mga salita ni Pope Francis sa napipinto niyang pagbisita sa bansa, ayon kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, chairman ng organizing committee para sa pagbisita, sa isang pulong kasama ang local media noong isang araw. Nasa Vatican si Cardinal Tagle nong nakaraang buwan bilang bahagi ng mga preparasyon para sa papal visit sa Enero 15-19, 2015.

Mauunawaan natin ang pag-aalala ng Papa at kaisa niya tayo sa pag-asam na sana mapagtanto ng taumbayan na ang misyong ito ay nakatuon sa “mercy and compassion” para sa Papa na nagpahayag ng kanyang pagnanais na bisitahin ang mga survivor ng supertyphoon Yolanda matapos iyong manalasa noong Nobyembre 2013.

Ngunit waring natural na para sa mga Pilipino ang maakit sa ibang tao, kung kaya sa ating pulitika, hindi napahahalagahan ang mga plataporma at programa ng mga partido kundi ang mga personalidad. Isipin na lamang ang mga pangyayari sa ating bansa habang papalapit ang eleksiyon sa 2016. Dapat tayong magkaroon ng isang namumunong majority party, ngunit ang mga adbokasiya nito at kung ano ang pinaninindigan nito sa pambansang pamumuhay ay hindi binibigyang pansin sa kahit na anong talakayan. Sa halip, ang atensiyon ng mga botante ay nakatuon sa kung sino ang nangunguna sa poll surveys, kung sino ang kinokonsidera ng majority party, na malamang na magiging susunod na pangulo ng bansa.

Si Pope Francis mismo ay isang personalidad na umaakit ng atensiyon ng buong mundo at suporta para sa kanyang mga adhikain. Mula sa simula ng kanyang pagkapapa, napatunayan na niyang siya ay kakaibang papa, na mapagkumbaba, simple na hindi karaniwang nakikita sa mga may kapangyarihan. Ayaw niyang magsuot ng mga bagay na sumasagisag ng kapangyarihan, mas pinipili ang simpleng kasuotan. Kumakaway siya sa mga masa at mga deboto sa St. Peter’s Square, nakikipagkamayan, hinahagkan ang mga batang iniaabot sa kanya. Nagsalita rin siya tungkol sa mga isyung hindi karaniwang tinatalakay sa tradisyunal na bulwagan ng simbahan, sa paksa ng hindi pag-aasawa ng mga pari, regulasyon sa panganganak, at ang mas mapagmalasakit na pakikisalamuha sa mga homoseksuwal at yaong nagdiborsiyo.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

At kapag binisita tayo ni Pope Francis sa Enero, milyun-milyong Pilipino ang tatanggap sa kanya – sa Leyte, sa Manila, sa mga lansangang kanyang daraanan, at sa pagdaraos ng misa sa Luneta, at papasukin siya sa kanilang mga puso sa kung ano siya, isang tao na tigib ng kababaang-loob at simplisidad, isang dakilang tao.

Ngunit lagi nating alalahanin ang kanyang apela na dapat nating makita si Kristo Jesus bilang sentro, ang susi, ang tunay na dahilan ng kanyang misyon ng awa at pagmamalasakit. Hahatiin niya ang tinapay para sa maralita ng Leyte, makikipagkita sa mga pari, at magdiriwang ng misa. Ang lahat ng ito, gagawin niya sa dakilang ngalan ni Jesus na kanyang kinakatawan sa daigdig ngayon – bilang Vicar of Christ.