Nina Jun Fabon, Rommel Tabbad, Fer Taboy at Leonel Abasola
BORONGAN CITY, Eastern Samar - Bukod sa mahigit 1,000 pulis at public safety officer, inihanda ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas ang “follow-on-forces” o dagdag-puwersa upang pag-ibayuhin ang paghahanda at pagtugon sa mamamayan dito sa paghagupit ng bagyong ‘Ruby’ ngayon.
Ayon sa kalihim, nasa 795 pulis ang kasalukuyang nasa Eastern Samar, 160 ang nasa maneuver group, 635 ang nasa iba’t ibang estasyon at 160 pa mula sa regional public safety office.
“Nakaabang sa Legazpi, Cebu at Manila ‘yung follow-on-forces,” pahayag ni Roxas sa mga dagdag-puwersa sa paghahanda at pagtugon sa mga pangangailangan ng mga madadaanan ng bagyong Ruby.
“Nakahanda ang mga ito upang kumilos pagdaan ng bagyo sa lalawigan.”
Pinaalalahanan ng kalihim ang mga alkalde na mayroon silang hanggang 4:00 ng hapon upang siguruhing handa ang kanilang mga nasasakupan.
Una rito, ipinaalala rin ni Roxas sa mga alkalde sa Metro Manila na simulan nang ilikas ang informal settler families (ISF) na nakatira sa mga delikadong lugar.
Ito ay matapos iulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na maaaring makarating hanggang sa Metro Manila ang malalakas na ulan na dulot ng Ruby.
Habang tumutulong ang kalihim sa mga paghahanda sa Eastern Samar kung saan inaaasahang unang tatama ang bagyo, patuloy namang nagmamatyag ang buong DILG sa mga paghahanda ng iba’t ibang komunidad sa buong bansa.
SIGNAL NO. 3
Kahapon ay walong lugar na, kabilang ang Bicol region at Eastern Visayas, ang isinailalim sa public storm warning signal (PSWS) No. 3 habang 21 pang lalawigan ang apektado ng Ruby.
Sa latest weather bulletin ng PAGASA, bahagyang humina ang bagyo ngunit patuloy itong nagbabanta sa mga lalawigan sa Samar.
Sa taya kahapon ng PAGASA, posibleng mag-landfall ang bagyo sa Eastern Samar at Northern Samar area ngayong umaga.
Taglay nito ang malakas na hangin, storm surge na aabot hanggang 4.5 metro at matinding ulan.
Tinataya ring babagsak ang ulan sa 7.5 hanggang 20 mm kada oras (heavy to intense) sa lawak ng nasasaklawan nitong 600-kilometer diameter.
Inaasahan itong lalabas ng bansa sa Miyerkules ng gabi.
Huling namataan ang Ruby sa layong 180 kilometro silangan-hilaga-silangan ng Borongan, Eastern Samar o nasa 260 kilometro sa silangan ng Catarman, Northern Samar.
“It packed maximum sustained winds of 185 kph near the center and gustiness of up to 220 kph. Ruby is forecast to move west at 13 kph and is expected to be 50 km west of Catarman, Northern Samar or at 60 km east of Masbate City, Masbate Sunday morning,” saad sa weather advisory ng PAGASA.
Sa Lunes ng umaga, inaasahang ito ay nasa 40 km ng hilagang Romblon, Romblon o nasa 125 km timog silangan ng Calapan City, Oriental Mindoro.
TULOY ANG PAGLILIKAS
Samantala, pinalikas ng Cebu Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ang mga residente na nasa danger zone, coastal area, malapit sa ilog at delikado sa landslide.
Sinabi ni PDRRMO head Baltazar Tribunalo na ipinatutupad na nila ang preventive evacuation upang walang maipit sa peligro sa oras ng pananalasa ng bagyong ‘Ruby’.
Dahil sa banta ng storm surge, halos 1,000 pamilya sa mga coastal barangay sa Cebu City ang lumikas, kahit hindi pa nag-utos ng pre-emptive o forced evacuation ang alkalde.
Dagliang nagsilikas kahapon ang mga residente ng mga barangay ng Pasil, Suba, Ermita, Duljo-Fatima at Sambag 2.
Mahigit 500 residente naman ang nagsilikas mula sa mga barangay ng Looc, Centro, Guizo, Tipolo at Subangdaku.
Sinabi ni City Public Information Officer Roger Paller na mahigit 100 pamilya na naninirahan malapit sa Mahiga Creek ang pinalikas at nakasilong sa ngayon sa Subangdaku Elementary School.
Sa Toledo City naman ay mahigit sa 30 pamilya ang nailikas.
Ayon naman sa RDRRMC-7, ang lahat ng bayan sa hilagang Cebu ay hinikayat na magpatupad ng preemptive evacuation matapos ideklara ng Project NOAH na storm surge prone areas ang mga ito.
Ito ay ang mga bayan ng Bantayan, Madridejos, Santa Fe, Daanbantayan, Medellin, San Remigio, Tabuela, Tuburan, Borbon, Tabogon at lungsod ng Bogo.
BABALA
Kaugnay nito, iginiit ni Senator Loren Legarda na dapat maging handa ang sambayanan sa bagyo.
Ayon kay Legarda, dapat ay regular ang pag-monitor ng mga balita, weather advisories at anunsiyo tungkol sa paglikas lalo na ng mga nakatira sa lugar na nasa ilalim na ng public storm warning signals.
Aniya, dapat na handa din ang mga ahensiya ng gobyerno na tumugon sa pangangailangan ng mga komunidad na inaasahang maaapektuhan ng bagyo.
Pinaalala ni Legarda ang mga paghahandang dapat gawin base Ni Jun Ramirez sa Disaster Preparedness and First Aid Handbook na binuo ng Senate Committee on Climate Change kasama ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Ano ang dapat gawin kapag may paparating na bagyo?:
- Manatili sa loob ng bahay at maging kalmado.
- Patuloy na umantabay sa mga ulat sa TV at radyo.
- Patibayin ang mga bahagi ng bahay na maaaring maapektuhan.
- Putulan ng sanga ang mga puno na malapit sa bahay.
- Maglaan ng nararapat na lugar sa kalsada para sa emergency vehicles.
- Magtungo sa mga itinalagang evacuation center kung kinakailangan.
- Maghanda ng flashlight at radyo na may bagong baterya.
- Maghanda ng sapat na pagkain, maiinom na tubig, gaas, baterya at first-aid supplies.
- Kapag bumaha, patayin ang main switch ng kuryente, siguraduhing nakasara ang tangke ng gas at mga gripo.
- Ilagay ang mga gamit sa mataas na lugar batay sa inaasahang taas ng baha. Ilagay ang mahahalagang gamit pati na ang mga kemikal at basura sa hindi aabutin ng baha.
- Lumayo sa mabababang lugar, pampang ng ilog, kanal at dalampasigan, bangin at paanan ng burol at bundok. Maaring magdulot ito ng landslide, rockslide at mudslide.
- Huwag lumusong sa baha kung hindi kailangan. Huwag tumawid sa mabilis na umaagos na tubig.
- Huwag gumamit ng kasangkapang de-kuryente at gas kung binaha ang bahay.
Nagbabala din si Legarda sa posibleng storm surge sa mga lugar na tatamaan ng bagyo.
Ang storm surge ay biglaang pagtaas ng tubig-dagat na magreresulta sa marami at naglalakihang alon. Kadalasan itong nangyayari kapag ang isang bagyo na may dalang malakas na hangin ay papalapit sa mga baybaying lugar.
Ano ang dapat gawin kapag may inaasahang storm surge?:
- Siguruhing makalikas kasama ang buong pamilya bago magkaroon ng storm surge.
- Lumayo sa baybaying dagat o sa mga beach kapag may abiso ng bagyo sa inyong lugar.
- Makinig sa PAGASA bulletin/ warnings/forecast na ipinamamahagi ng media.