DASMARIÑAS CITY, Cavite – Isang matandang bedridden ang namatay noong Biyernes ng madaling araw habang nasugatan naman ang isang dalagitang estudyante sa 30-minutong sunog na tumupok sa kanilang bahay sa Austria Street sa South Meridian Homes Subdivision sa Barangay Salitran IV sa lungsod na ito.

Natagpuan ng rescuers ang tupok na bangkay ni Romulo Quiniones Opas, 77, makaraang maapula ang apoy dakong 4:00 ng umaga noong Biyernes.

Sinabi ni FO3 Romeo Buena na nasugatan si Angelica Jasildoni Licup, 17, ampon ni Opas, matapos magtamo ng second degree burns sa magkabilang binti at dinala sa De La Salle University (DLSU) Medical Center para gamutin.

Hindi na nakalabas ng kuwarto si Opas habang nasugatan naman ang dalagita habang sinisikap na makalabas ng bahay. Kapwa himbing ang dalawa nang mangyari ang sunog.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sina Opas at Licup lang ang nasa bahay nang mangyari ang sunog.

Sinabi ni Buena na matagal nang bedridden si Opas matapos na atakehin sa puso.

Inaalam pa ang sanhi ng sunog, na tumupok sa tinatayang P350,000 halaga ng ari-arian. (Anthony Giron)