Kaaya-ayang panahon, walang nakikitang pagbabanta sa seguridad at kaligtasan ng mga batang kalahok ang mamamalas sa paglarga ng 2014 Batang Pinoy National Finals sa dinarayong Bacolod City sa Negros Occidental.
Sa katunayan, unti-unti nang nagsisidatingan ang mga kalahok sa lugar na pagdarausan ng torneo na para sa mga kabataang atleta na may edad 15 pababa.
“Maganda naman ang panahon dito. The sky is clear and the air is cool,” pagmamalaki ni PSC Secretariat at Technical chief Annie Ruiz habang inaasikaso ang naunang nagsidatingang delegasyon mula sa rehiyon ng Mindanao, na tulad ng mga probinsiya ng Davao at Zamboanga.
“Actually, our registration starts December 7 to 9 pero nandito na sila na mas maaga. We will still accept registration pa rin naman up to the 10th kung sakaling may mga maka-cancel na air at sea travel dahil sa bagyo,” sinabi pa nito.
Gayunman, hindi nito binabalewala ang posibleng epekto ng bagyong ‘Ruby’ na inasahan nang nag-landfall kagabi sa bansa at posibleng lumabas sa Miyerkules.
Unang hahataw ang kampeonato sa triathlon kung saan ay paglalabanan ang unang ginto ng 2014 Philippine Sports Commission-Batang Pinoy National Finals sa Disyembre 9 hanggang 13 na muling magbabalik sa Bacolod City.
Tanging nag-usog ng kanilang iskedyul ang chess na imbes na magsisimula sa Disyembre 9 ay itinakda sa 10.
Ipinaliwanag naman ni PSC Games chief Atty. Maria Fe “Jay” Alano na walang nabago sa kabuuang 27 sports na nakatakdang paglabanan kung saan ang unang ginto sa taunang grassroots sports development program ng PSC ay agad masusungkit sa triathlon event.
“Magsisimula rin ang boxing at table tennis on the 9th of December pero wala pa silang nakatayang medal. Only the triathlon, na isasagawa ang kanilang national finals in three days will have a medal at stake,” giit ni Alano ukol sa pinakahuling torneo na maglalaban ang mga pinakamagagaling na batang atleta.
Maliban sa triathlon, apat na iba pang sports na hindi nagsagawa ng qualifying legs sa Mindanao, Visayas at Luzon ang aarangkada rin sa kanilang kampeonato na binubuo ng cycling (New Airport Access Road), pencak silat (Rizal Elementary School), wushu (Trinity Christian School) at ang bagong saling fencing na gaganapin sa Manila.
Ang unang torneo sa Bacolod City ay isinilang noong 1998 na kilala pa noon na Philippine National Youth Games (PNYG) sa pangunguna noon ni Bacolod City Congressman at ngayon ay Mayor Monico Puentebella.
Magsasama naman ang mahigit sa 3,000 kabataang atleta na pawang nakuwalipika makaraang magsipagwagi ng ginto at pilak sa ginanap na tatlong leg. Maari ring lumahok ang mga nagsipanalo ng tansong medalya subalit sagot nila ang kanilang gastusin.
Paglalabanan sa National Finals ang mga sports na archery, arnis, athletics, badminton, basketball 3-on-3, billiards, boxing, chess, dancesport, futsal, karatedo, lawn tennis, muay thai, sepak takraw, softball, swimming, table tennis, taekwondo, volleyball, weightlifting at wrestling.