Sasabak ang 86 atleta na mula sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) sa gaganaping 2014 ASEAN University Games sa Palembang, Indonesia sa Disyembre 9 hanggang 19.
Pamumunuan ni National University (NU) Board representative to UAAP na si Nilo Ocampo ang kabuuang 90 kataong delegasyon na makikipagsabayan sa limang kabuuang paglalabanang 20 sports sa torneo na lalahukan ng 11 bansa.
Opisyal namang isinumite kamakalawa ni Ateneo De Manila University (ADMU) Athletic director Ricky Palou ang listahan ng mga lalahok na atleta sa Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC).
“We had a very good chance of bringing home gold medals with the best of the best UAAP athletes representing the country in an international event,” sinabi ni Palou.
Hahataw ang Pilipinas sa swimming kung saan ay ipinadala ang kabuuang 18 atleta, 21 sa taekwondo, 18 sa volleyball, 17 sa track and field at 14 sa table tennis.
Mayroon itong apat na staff na binubuo ni Ocampo, Emmanuel Fernandez, Timothy Santo Tomas Jr. at Joselito Urian.
Ang ASEAN University Games (AUG) ay kada dalawang taong sports event para sa mga atleta na mula sa unibersidad na kabilang sa bansang kasapi sa ASEAN.
Ito ay inorganisa ng mga miyembro ng ASEAN University Sports Council (AUSC) at unang isinagawa noong 1981.
Ang 2014 edisyon ang ika-17 pagkakataon na lalarga ang ASEAN University Games. Paglalabanan ang sports na archery, athletics, aquatics, badminton, basketball, beach volleyball, chess, football, futsal, judo, karate, pencak silat, petanque, roller skating, sepaktakraw, table tennis, taekwondo, tennis, volleyball at wushu.
Sisimulan ang opening ceremony ng torneo sa Gelora Sriwijaya Stadium na ikaapat na pagkakataon sa Indonesia upang magsilbing host. Una itong naging punong-abala noong 1982 edisyon sa Jakarta, kasunod sa Bandung (1990) at Surabaya noong 2004.