Hulyo 2014 nang inilabas ng Supreme Court (SC) ang desisyon na nagdedeklara sa Disbursement Acceleration Program (DAP) bilang unconstitutional, pangunahing dahilan nito ang pagpapalabas ng public funds para sa mga proyektong hindi aprubado ng Kongreso. Ang Malacañang, sa pamamagitan ng Solicitor General, ay agad na kumilos upang baligtarin ng 13-0 ruling sa isang motion for reconsideration.

Sa nakaraang limang buwan, hinihintay ng sambayanan na kumilos ang SC sa naturang motion. Tiyak na may mga pananaw na ang isang malaking desisyon na tulad niyon sa DAP ay hindi maaaring baligtarin, at inaasahan ang isang SC ruling na nagpapatibay sa una nitong desisyon.

Sa pinakahuling balita, maaaring sa Enero pa ibababa ang aksiyon ng SC. Sinabi ng maraming miyembro ng Kongreso na kailangang bigyan ng sapat na panahon ang SC upang talakayin ang mga petisyon na sumasalungat sa petisyon ng Malacañang.

Muling nabuhay ang interes sa DAP dahil sa ilang pagbubunyag kamakailan hinggil sa release ng bilyun-bilyong piso mula sa Malampaya Fund para sa mga proyektong hindi man lang idinaan sa Kongreso. Samakatuwid, ang mga ito ay nasa parehong kategorya ng mga proyektong nasa DAP na ipinagbawal ng SC.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Sinasabing nagbayad ang Pilipinas para sa dalawang Coast Guard vessel mula sa Amerika ng P1.3 biyon mula sa Malampaya funds. Isa pang P1.9 bilyon ang napunta sa barangay electrification. Ito at marami pang ibang proyektong pinondohan ng Malampaya na inilista ng Malacañang noong nakaraang taon ay mahahalagang proyekto ng gobyerno. Ang tanong ngayon ay: Ang mga ito ba – tulad ng mga proyektong nasa ilalim ng DAP – ay unconstitutional dahil hindi ito aprubado ng Kongreso?

Ang basehan ng paggamit ng Malampaya Fund ay ang 1972 presidential decree na inisyu ni dating Pangulong Marcos, na gagamitin ang pondo para sa mga proyektong may kaugnayan lamang sa energy development. Sa kawalan ng Kongreso noong panahon ng martial law, batas ang isang presidential decree. Isang 2009 executive order na inisyu ni dating Pangulong Arroyo na nagpapahintulot sa iba pang paggagamitan ng Malampaya funds ay ipinagbawal ng SC noong 2013.

Lumutang ang DAP-Malampaya connection habang hinihintay natin ang pagpapasya ng SC sa motion for reconsideration na inihain ng Malacañang. Ang desisyon ng SC na maaaring ilabas sa Enero ay maaaring hindi kumanti sa Malampaya kundi nakatakda itong maapektuhan ang isinasagawang imbestigasyon, sapagkat sangkot dito ang Ehekutibo na gumagastos ng pondo ng gobyerno para sa mga proyekto at programang hindi aprubado ng Kongreso – na isang paglabag sa Konstitusyon.