NEW YORK (AP)– Umiskor si Kyrie Irving ng season-high 37 puntos, kabilang ang isang layup sa huling 10 segundo matapos ang isang timeout, upang talunin ng Cleveland Cavaliers ang New York Knicks, 90-87, kahapon para sa kanilang season-best na limang sunod na pagwawagi.
Binuhat ni Irving ang Cavs sa malaking bahagi ng laro bago nakapagbuslo si LeBron James ng limang sunod na puntos sa stretch na tumulong sa Cleveland na selyuhan ang laban.
Nagtapos si James na may 19 puntos at 12 assists.
Tinapos ni Carmelo Anthony ang kanyang 4-for-19 na gabi sa pagmintis sa isang 3-pointer sa mga huling segundo at nalaglag ang Knicks sa kanilang ikaanim na sunod na pagkabigo para sa 4-16 na kartada.
Nagdagdag si Tim Hardaway Jr. ng 20 puntos at 18 naman ang kay Amare Stoudemire, kasama ang 9 rebounds para sa Knicks, na sinubukang sorpresahin ang Cavs sa ikalawang pagkakataon ngayong season.
Ngunit hindi nagawa ng New York, na sinira ang unang laro ni James mula nang magbalik sa Cleveland sa kanilang 95-90 na panalo noong Oktubre 30, na mapanatili ang pakikipagsabayan makaraang lumamang ng 7 sa huling quarter.
Naipasok ni James ang isang 3-pointer para makuha ang 86-85 na abante sa natitirang 3:54, sinundan niya ito ng isang fast-break dunk para sa 3 puntos na kalamangan, may 3:25 pa ang nalalabi.
Gumawa si Kevin Love ng 11 puntos at 11 rebounds para sa Cavs, na nag-average ng 109.8 puntos sa kanilang huling apat na pagwawagi ngunit nahirapan sa opensa sa larong ito, maliban kay Irving.
Siya ay nagtapos na 12-of-18 mula sa field at hinigitan ang kanyang 29 puntos kada laro na iniiskor sa Madison Square Garden na kanyang best sa kahit saang arena.