Sa isang karinderya, parang gustong mairita ng tindera sa isang customer na nagbubukas ng mga kaldero at inaamoy ang tindang ulam. Ngunit hindi naman ibinabalik nang maayos ng naturang customer ang takip ng kalderong inusisa. “Baka naman makapasok ang langaw sa kaldero,” sabi ng tindera na halata sa boses ang pagkairita sa customer. “Bibili ka ba o hindi?” Napatingin ang customer sa tindera at sumagot: “Bibili.” At sumunod na tanong ng tindera: “Kakain ka ba rito o ibabalot?” Sumagot ang customer: “Kakain.” Nagtanong uli ang tindera: “Ilang tasa ang kanin mo, isa o dalawa?” Sumagot ang customer, “Dalawa.” Kahit sa simpleng karinderya, kailangang magpasya, at kailangang maging malinaw ang pagpili sapagkat kailangang bayaran mo ang iyong inorder.
Sa pakikipagrelasyon kay Jesus, kailangan mong pumili, at ang pagpili iyon ang kailangan gawin nang personal. Nasa loob ka ba o sa labas ng relasyong iyon? Sasama ka ba sa Kanya o magpapaiwan ka? Pupunta ka ba sa pupuntahan Niya o sa kabilang direksiyon ka? Dahil sa pagpipiliang ito, hati ang paniniwala ng mga tao. May ilan sa atin ang “nasa loob” ng pakikipagrelasyon kay Jesus, ang iba naman “nasa labas” ng relasyong iyon. May ilan sa atin ang namumuhay sa kasalanan at itinanggi nila ang biyaya at kapatawarang iniaalok sa kanila ni Jesus. Ang iba naman ay nagkasala rin ngunit hindi nila mararanasan ang paghuhusga, sapagkat pinili nilang magtago kay Jesus na Siyang humarap sa paghuhusga kapalit nila.
Marami sa atin ang ayaw magkaroon ng pagpipilian. Hindi nila gusto na may pumipili para sa kanila. Nakikita nila na ang mga taong katig sa Diyos ay superyor o eksklusibo samantang ang iba naman patuloy sa paggawa ng kasalanan na parang walang Diyos.
Ang imbitasyon ni Jesus ay para sa lahat. “Magsiparito kayo sa akin… at kayo’y aking pagpapahingahin,” sabi ni Jesus. May pagpipilian tayo: ang tanggapin ang Kanyang imbitasyon o isnabin na lang ito; ang sumama tayo kay Jesus o magpaiwan na lamang tayo.
Sasama ka ba o hindi? Ang malungkot na bahagi nito, may pumipiling magpaiwan na lamang.