Isinagawa kahapon ang pre-emptive evacuation sa lalawigan ng Albay kaugnay pa rin sa paghahanda sa pananalasa ng bagyong ‘Ruby’.

Sinabi ni Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) chief Dr. Cedric Daep, na prioridad ang mga nasa palibot ng bulkang Mayon kung saan ay naglabas na rin ng lahar advisory ang Phivolcs.

Ayon kay Daep, kinakailangan nang mailipat sa ligtas na lugar ang mga residente lalo na ang mga nasa river channel ng bulkan dahil sa posibleng pagragasa ng deposits mula sa bulkan.

Partikular na tinukoy ng Phivolcs ang mga lugar sa Masarawag at Maninila sa Guinobatan, Buyuan-Padang, Legaspi City, Mabinit, Legaspi City, Lidong at Basud, Sto. Domingo, Miisi at Anoling sa Daraga, Nabonton at Ligao City.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Pinalilikas na rin ang mga nasa mabababang lugar at nasa palibot ng Yawa River sa lungsod ng Legazpi.

Kasama rin sa inabisuhan ang Malunoy (Patag), Mapaso, Cadac-an, Tinampo at Cogon Rivers sa Irosin at ang Añog-Rangas River sa Juban dahil sa banta rin ng lahar sa bulkang Bulusan.

Maliban sa mga residenteng puwedeng maapektuhan ng lahar, prioridad din ang mga nasa coastal areas dahil sa banta ng storm surge.

Sinabi pa na halos lahat ng lalawigan sa Bicol Region ang nagkansela na ng klase at trabaho na gaya sa Albay, Camarines Sur, Sorsogon, Catanduanes at Masbate.

Kanselado na ang mga biyahe ng barko sa mga pangunahing pantalan sa rehiyon.

Nakapagtala ng aabot sa 300 ang stranded na pasahero sa Matnog Port kasama na rin ang may 100 na truck, 16 na light vehicles at mga pampasaherong bus.

Sinabi ni Philippine Ports Authority Manager Carol Mendizabal, maging ang Bulan, Masbate, Pioduran at Tabaco Port ay nagkansela na rin ng biyahe dahil sa bagyong ‘Ruby’.