Nagdesisyon ang pamunuan ng Philippine Basketball Association (PBA) na kanselahin ang larong dapat sana’y idaraos ngayon sa Dipolog City na magtatampok sana sa reigning champion Purefoods at Barako Bull.

Ipinatupad ang pagkansela sa laro matapos ang naging deklarasyon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administaration (PAGASA) na nakatakdang manalasa ang tinaguriang super bagyong ‘Ruby’ sa rehiyon ngayong weekend.

Nagtataglay ng matinding hangin na humahampas ng 205 kilometro bawat oras, kabilang umano ang Zamboanga del Norte sa mga lugar na sinabi ng PAGASA na sasalantain ng bagyo sa sandaling tumama ito sa lupa.

“Zamboanga del Norte has been identified by PAGASA to be one of the critical areas that may be severely affected by the intense winds (of at least 205 kph) and vast rain clouds of the super typhoon,” nakasaad sa statement na inilabas ng PBA.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Isinaalang-alang ng liga ang kaligtasan hindi lamang ng mga koponang maglalaro sa nasabing lugar kundi maging ang kanilang fans na manonood sa Dipolog, ang kapitolyo ng Zamboanga del Norte.

Ayon kay PBA media bureau chief Willie Marcial, ang kinanselang laro ay inilipat na lamang sa Disyembre 9 (Martes) kung saan ay naging triple header ang laro sa pagtatapos ng eliminations na gaganapin sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Magsisilbing unang laro ang laban ng Purefoods at ang Barako Bull na sisimulan sa ganap na alas-2:00 ng hapon.