Nakagigimbal ang ulat na isa na namang malagim na bagyo ang maaaring mag-landfall anumang oras sa isang lugar na malapit sa kung saan nag-landfall ang nakaraang super typhoon Yolanda. At ito ay maaaring manalasa sa panahon na tayo ay hindi pa halos nakababangon sa mga pininsala ng naturang bagyo na naging dahilan ng kamatayan ng libu-libo nating mga kababayan sa Visayas, lalo na sa Tacloban City. Hanggang ngayon, ang kalunus-lunos na karanasan ng mga biktima ng kalamidad ay isa pa ring bangungot na gumagambala sa kani-kanilang mga tent houses at iba pang evacuation centers. Hindi pa nakauuwi, at maaaring hindi na makabalik sa kani-kanilang mga dating tahanan ang mga evacuees; nakaplano pa lamang ang mga housing units para sa kanila na ipatatayo ng gobyerno. Inip na inip na sila sa mga pangako at planong rehabilitasyon hindi lamang sa kanilang lugar kundi maging sa iba pang sinalanta rin ng mga kalamidad.

Ngayong nagbabanta na naman ang kinatatakutang bagong bagyong si Ruby, tiyak na makatutulong nang malaki ang pag-usal ng sama-samang panalangin. Sa ating mga nananalig sa kapangyarihan ng mga dasal, baka sakaling lumihis at hindi na mag-landfall ang nasabing bagong bagyo na ngayon – ayon sa Pagasa – ay nasa loob ng PAR o Philippine Area of Responsibility. Sabi nga ng mga mananampalataya, kabilang na ang mga creative writers, prayers can move mountains. Maaaring iyon ay isang matalinhagang paglalarawan, subalit totoong marami nang pagkakataon na malaki ang tulong na nagagawa ng mga dasal. Isabay na rin natin ang pag-usal ng dalangin para naman sa ating mga opisyal ng gobyerno na naatasang magpatupad ng rehabilitation program para nga sa mga biktima ng kalamidad. Mahigit na isang taon na ang nakalilipas simula nang tayo ay bagyuhin ni Yolanda, subalit nakalulungkot na nasa planning stage pa lamang ang implementasyon ng rehabilitasyon sa mga binaha at binagyo. Masimulan man lamang sana ang totoong pagpapatupad nito bago dumalaw si Pope Francis sa bansa. Samantala, makikiisa na rin tayo sa pag-usal ng National Prayer kaugnay ng pagdating ni Pope Francis. Isipin na lamang na higit niyang ninanais na makapiling ang mga biktima ni Yolanda.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente