Nagawang malusutan ng Lyceum of the Philippines University (LPU) ang matinding hamon na itinayo ng San Sebastian College (SSC) para manatiling matatag sa solong pamumuno sa juniors division ng NCAA Season 90 volleyball tournament.
Ginapi ng Junior Pirates, sa pamumuno nina Jomaru Amagan at Sean Alexis Escallar, ang Staglets sa isang dikdikang 5-setter, 25-27, 22-25, 25-17, 25-21, 15-8, para sa kanilang ikalimang sunod na tagumpay.
Nagposte si Amagan ng 23 puntos na kinabibilangan ng 18 hits at 4 aces habang nag-ambag naman si Escallar ng 22 puntos na kinapapalooban ng 20 hits.
Nanguna naman para sa Staglets na bumagsak sa barahang 3-3 si Romeo Teodones na tumapos na may 21 puntos.
Naging matibay na sandata ng Junior Pirates ang kanilang net defense kung saan ay nagtala sila ng 15 blokcs kumpara sa 9 ng Staglets habang nakuha namang makipagsabayan ng huli dahil sa kanilang matinding floor defense makaraang magtala ng 36 na digs kumpara sa 28 lamang ng una.
Samantala, sa ikalawang laro, dinispatsa ng Mapua ang San Sebastian sa ikalimang puwesto sa men’s division matapos gapiin ang Stags sa loob ng tatlong sunod na sets, 25-17, 25-18, 25-21.
Gaya ng dati, muling namuno para sa Cardinals ang kanilang beteranong hitter na si Philip Bagalay na tumapos na may 14 puntos, kabilang na rito ang 13 hit, habang nag-ambag naman ang mga kakamping sina Paul John Cuzon at Salvador Navera ng tig-8 puntos.
Para naman sa Stags, nagtala ng game-high 19 puntos si Richard Tolentino na kinapapalooban ng 17 hits at 2 blocks ngunit wala siyang nakuhang suporta mula sa kanyang mga kakampi na naging dahilan ng kanilang pagbagsak sa ikalimang pagkatalo kontra sa 3 panalo at ngayo’y sumusunod na sa Mapua na may barahang 2-4.