ISANG grupo ng kabataan ang nakausap namin nang mapasyal kami sa isang event na ginanap sa Lipa City Hall. Ayon sa lider ng grupo ay full support sila sa anumang tatakbuhing posisyon ni Luis Manzano sa 2016 elections.
Sabi pa nila, kahit wala pang deklarasyon si Luis kung anong posisyon ang tatakbuhan ay higit na nakakarami ang nagsasabing mas bagay sa TV host/actor ang pagiging bise gobernador ng Batangas.
Pero marami rin daw ang mga taga-Lipa na talagang gumagawa ng paraan para kumbinsihin si Luis na tumakbo para mayor kung hindi mapilit ng Lipeños na bumalik sa naturang post ang inang si Gov. Vilma Santos-Recto.
Natawa si Luis nang iparating namin ang mga binanggit ng kabataan.
“Well, Kuya Jimi, hintayin na lang nila, eh, sooner or later, makakapagdesisyon na rin naman ako tungkol sa bagay na ‘yun. Anyway, malayo pa naman ‘yan. Basta wala pa akong isinarang pinto tungkol diyan,” banggit sa amin ni Luis.
Samantala, napailing naman si Luis tungkol sa sinasabing si Sen. Grace Poe ang mahigpit na makakalaban ni Gov. Vi para vice president ng Pilipinas.
“Si Mommy naman, eh, malawak na ang karanasan niyan. Kayang-kaya na niyang humarap at harapin pa ang mga ganyan. Ilang years na ba siya sa pulitika, at alam n’yo namang walang katalu-talo pa ‘yan.
“Basta ako, eh, kung anuman ang gustuhin ni Mommy, eh, full support kami sa isa’t isa. Ako naman, eh, never na pinilit niya o kinausap niya tungkol sa pagpasok ko sa pulitika or what. Basta kung matutuloy man o hindi ako sa politics, eh, desisyon ko ‘yun at hindi sa mommy ko or kay Tito (Sen.) Ralph (Recto) o sa kung kanino mang tao,” banggit pa ni Luis.
Sa showbiz, marami ang nanghihinayang na hindi pumayag si Luis na makasama ng Star for All Seasons at ng girlfriend niyang si Angel Locsin sa movie project ng Star Cinema.
“I really have to decline kasi I will be working with my mom and my girlfriend. Parang masyado na personal sa akin ‘yun. Showbiz ako pero hindi ako showbiz, kumbaga. I treasure those relationships,” paliwanag ni Luis Manzano.