Sa pagdalaw ni Pope Francis sa Pilipinas sa Enero 15-19, 2015, inaasahang ipagbubunyi siya ng sambayanang Pilipino. Siya ang ikatlong Papa na bibisita sa bansang kung tagurian ay Perlas ng Silangan. Ang una ay si Pope Paul VI, pangalawa si Pope John Paul II na ngayon ay isa nang Santo. Nakikiusap si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga pulitiko na huwag gamitin ang pagdalaw ni Pope Francis bilang instrumento sa maagang pangangampanya para sa 2016 elections. Bulalas ng isang kolumnista ng isang pahayagan: “Oo nga! Mahiya naman kayo! Behave!”

Sinabi ni Cardinal Tagle na ikatutuwa ni Pope Francis na salubungin at batiin ng mga pulitikong Pinoy sa pamamagitan ng pagdadala at pagkakadkad ng mga banner at placard. Gayunman, ayon kay Tagle, dapat na ang nakalagay na larawan ay ang mukha ng Papa at hindi ang larawan ng mga pulitiko na ang layunin ay mamulitika lamang. Puwera pulitika muna mga kagulang-gulang, este mga kagalang-galang na pulitiko, sa makasaysayang pagdalaw ni Pope Francis na isang simple at mapagpakumbabang lider ng 1.2 bilyong katoliko sa buong mundo.

Lumalambot na yata ang puso ni PNoy laban sa Supreme Court. Nagalit siya sa SC sa pamumuno ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na kanyang pinili sa halip na si SC senior Assoc. Justice Antonio Carpio bunsod ng deklarasyong unconstitutional ang inimbentong Disbursement Acceleration Program ni DBM Sec. Butch Abad. Pumunta si Sereno sa Malacanang noong Martes para dumalo sa UN Convention Against Corruption (UNCAC). Naroroon din si Ombudsman Conchita Carpio-Morales.

Sa pulong, humihingi si Sereno ng dagdag na budget para sa hudikatura upang isamoderno ang mga hukuman, automation ng processes upang mapadali at mapabilis ang solusyon ng mga kaso. Inatasan ni PNoy si Abad na agad maglaan ng dagdag na pondo para sa SC. Kakaiba ito noon na hinihigpitan niya ang SC budget, hinihingan pa ng SALN ang mga mahistrado, at inakusahan ng overreach o pakikialam sa mga desisyon ng executive branch!
Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon