Tatlong tripulanteng Pinoy na ang iniulat na kabilang sa narekober na patay ng Russian rescue operation team habang pinaghahanap pa ang mahigit 30 kataong sakay nito kabilang ang pitong natitirang Pilipino ng lumubog na South Korean vessel Oriong-501 sa Bering Sea sa Russia, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa natanggap na impormasyon ng DFA sa Embahada ng Pilipinas sa Moscow, kabilang sa 12 katawan na naiahon ng rescuer ang Pinoy na si Jesse Londres, 25.
Dalawang bangkay pa ng Pinoy ang narekober ng Russian authorities malapit sa pinaglubugan ng barko subalit hindi muna pinangalanan ng DFA dahil kailangan munang ipabatid ang pangyayari sa pamilya ng mga biktima.
Matatandaan na nakaligtas sa trahedya ang tatlong Pinoy na sina Rowell Aljecera, Micol Sabay at Teddy Parangue Jr. na agad nasagip ng mga rescuer.
Tinututukan ng ipinadalang contingent ng Embahada ang nagpapatuloy na search and rescue operations sa mga nawawalang biktima.
Ayon sa operator na Sajo Industries, 60 katao ang sakay ng Oriong kasama ang 13 Pinoy,11 South Korean at 35 Indonesian nang lumubog ang barko habang nagkakarga ng isda sa Bering Sea matapos hampasin ng malalaking alon.