Pinangangambahan ng mga pinuno ng ilang National Sports Associations (NSAs) na matutulad ang Philippine Volleyball Federation (PVF) sa naging kaganapan sa kanilang asosasyon na nahati at nagkaroon ng dalawang liderato bago naiupo at kinilala ang mga taong malalapit sa namumuno sa Philippine Olympic Committee (POC).
Walang pagdududa sa pahayag ang opisyales mula sa Wrestling Association of the Philippines (WAP) na naisantabi sa dapat na panunungkulan sa asosasyon matapos na kilalanin ng POC ang isinagawang surpresang eleksiyon ng mga namumuno ngayon sa wrestling.
“Matutulad iyan sa asosasyon namin,” sabi ng opisyal. “Meron kaming certification mula sa POC na dapat four years ang term namin pero bigla silang nagpatawag ng eleksiyon para iluklok ang mga manok nila para hindi sila maalis sa puwesto hanggang 2016 o forever na,” sabi pa nito.
Isa lamang naman ang WAP sa mga NSA na nasangkot sa pag-aagawan ang liderato at may nakasampang kaso sa korte dahil sa pagkakaroon ng dalawang pamunuan.
Ilan sa NSAs na patuloy na may dalawang namumuno o nag-aagawan sa liderato ay Table Tennis, Baseball at Billiards.
Ang athletics ay patuloy naman na hindi kinikilala ng POC dahil sa pananatili ng dating pangulo ng asosasyon na si Go Teng Kok sa liderato kahit na nailuklok bilang bagong pangulo si Philip Ella Juico.
Nagkaroon naman ng dalawang liderato ang Philippine Volleyball Federation (PVF) matapos na magsama-sama ang mga dating board of directors sa pangunguna ng president-on-leave na si Gener Dungo kasama sina Edgardo “Boy” Cantada Minerva Dulce Pante, Vangie de Jesus, Victor Abalos at D’Artagnan Yambao.
Ang anak ni Cantada na si Gerard ang ini-appoint naman na PVF secretary general.
Base sa pahayag ng isang opisyal sa grupo ni Cantada ay binasbasan ng POC ang pagpapatawag sa pulong kung saan iniluklok si Cantada bilang Chairman kapalit ng namayapa na si Pedro Mendoza habang pinuno nito ang ibang nabakanteng puwesto upang buuin ang dating komposisyon ng PVF Board.