MAY mga nagsasabing lumaylay ang takbo ng kuwento ng Two Wives na masugid na sinusubaybayan ngayon ng publiko sa primetime. Maging ang isang ABS-CBN insider ay umamin sa amin na may mga komento ang mga bossing ng kanilang network tungkol sa takbo ng istorya ng pinagbibidahang serye nina Kaye Abad, Jason Abalos at Erich Gonzales.

Kaye Abad

Pero pagdating sa performance ng mga bida, nagpapagalingan pa rin ang tatlo at walang bumibitaw sa character na ginagampanan nila. Sabi tuloy ni Kaye Abad nang makausap namin, hanggang ngayon ay hindi siya makapaniwala sa walang tigil na mga papuri na natatanggap niya sa pagganap niya sa Two Wives.

Bilang Yvonne ay napakaepektibo ni Kaye, at sa katunayan ay may mga kaeksena siya na talagang pinakakain niya ng alikabok.

Generals nag-walk out daw sa isang command conference; AFP, nagsalita na

“Sobrang gandang-ganda ako sa role ko. Hindi ko rin naman ini-expect ito. Sa totooo lang, ang lagi ko lang namang ipinagdarasal, eh, maging maganda ang kakalabasan ng serye naming ito. Kumbaga, sana mag-work para tuluy-tuloy ang trabaho,” sabi ni Kaye.

Inamin ni Kaye na kinabahan siya nang husto bago pa man daw ipalabas ang Two Wives dahil nakikita niya na nakasalalay dito ang kapalaran niya bilang TV star.

“Sobrang kabado talaga kami nina Erich at Jason. Kung hindi ito magwo-work, paano na lang ang career namin? Siguradong balik naman agad kami sa pang-support beauty. Kumbaga, dahil hindi kami nag-clik bilang bida, eh, kontrabida na dapat sa amin,” napatawang kuwento niya.

Aminado si Kaye na parehong masaya ang takbo ng career at lovelife niya.

“Sabi ko nga, too good to be true kasi sabi nila hindi mo makukuha lahat, either okay ang career mo o zero ang lovelife mo,” kuwento pa ng dalaga.

Walong buwan na ang relasyon nilang dalawa ni Paul Jake Castillo.

“Akalain mo, ‘no? Parang kailan lang, tropa-tropa lang ‘tapos eto na, kami na pala,” natatawa pang sambit ni Ms. Kaye Abad.