Hindi masama ang pagdodokumento ng masasayang sandali ng iyong buhay ngunit kapag huminto ka na sa kahihingi ng opinyon o pagsang-ayon ng iyong mga kaibigan at mga kamag-anak hinggil sa iyong selfie, narito ang ilang bagay na maaaring mangyari sa iyo, ayon sa mga eksperto:
- Magiging mapagbigay ka, mapagparaya. – Ang sobra-sobrang pagpo-post ng selfies sa social media ay maaaring makasira ng mga relasyon. Sapagkat ang sobrang paggamit ng social media ay maiuugnay sa pagkahumaling sa sarili, maaari kang maging makasarili sa inyong relasyon. Tandaan na ang ating hitsura ay panlabas lamang. Ang iyong kagandahan o kaguwapuhan ay tiyan na pansamantala lamang, at ang pagiging mabuting kaibigan o kasintahan ay kailangang suportado ng mabuting personalidad. Hindi maituturing na malusog ang isang relasyon kung ang isa ay masyadong obsessed sa sarili para mahalin ang kanyang kasintahan.
- Mas mapahahalagahan mo ang iyong sarili. - Kapag umaasa ka sa positibong reaksiyon ng iyong mga kaibigan sa iyong hitsura sa selfie upang magtaglay ka ng magandang pakiramdam, ay parang bumababa ka ng bundok na maputik at madulas ang iyong daraanan. Sapagkat ang pagpapahalaga sa sarili ay kailangang bukod sa opinyon ng iba, hindi mahalaga kung kaakit-akit o hindi ang iyong mga larawan. Upang makumpleto ang iyong kasiyahan, walang ibang tao na magbibigay sa iyo ng kahalagahan kundi ang iyong sarili. Kapag pinahalagahan mo ang opinyon ng iba tungkol sa kung paano ka nila nakikita, inilalagay mo ang iyong sarili sa panganib na bigyan ng bagong kahulugan ang iyong sariling kahalagahan na naaayon sa gusto nila.
- Mas panatag ang iyong kalooban. – Ang kumpiyansa sa sarili ay hindi dapat naapektuhan ng kung paano ka nakikita ng iba. Kung nakasandal ang iyong kumpiyansa sa positibong mga komento at sa likes sa iyong selfies, guguho ka na sa isang negatibong puna. May kanya-kanyang katangian ang bawat isa sa atin at maraming puwedeng ipagmalaki, kaya hindi ka dapat naaapektuhan ng pagtuligsa o negatibong komento ang nakikita mo sa iyong sarili at potensiyal.