Tuloy ang deadline ng pagsusumite ng mga requirements ng mga bidder para sa optimal mark reader (OMR) at direct recording electronic (DRE) system pati na ang demonstration ng mga election machine na itinakda ng Comission on Elections (Comelec) sa Disyembre 4 at 5.

Ito ay makaraang ipagpaliban ng Supreme Court (SC) ang pagpapasya sa hiling na temporary restraining order (TRO) ni dating Immigration Commissioner at Assemblyman Homobono Adaza laban sa pag-usad ng bidding process para sa mga election machine na gagamitin sa 2016.

Sa En Banc session ng SC, hindi ito nagpalabas ng TRO, sa halip, inatasan lamang ang Smartmatic at Comelec na magsumite ng komento sa petisyong inihain nina Adaza at Jonathan Sinel.

Binigyan ng SC ng 10 araw ang mga respondent para magsumite ng komento.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Sa petisyon nina Adaza at Sinel, iginiit nila na hindi dapat umusad ang bidding hanggang hindi nalulutas ang mga isyung ibinabato laban sa Smartmatic-TIM, ang supplier ng mga PCOS machine na ginamit noong 2010 at 2013 elections.

Nabatid na kasama ang Smartmatic sa mga bumili ng bidding documents para sa kukuning 23 libong Optical Mark Reader at mahigit 400 Direct Recording Electronic Technology sa 2016 elections.

Nais ng mga petitioner na huwag nang payagan na sumali sa bidding ang Smartmatic-TIM.

Una nang ibinunyag ng Citizens for Clean and Credible Elections, bukod sa kapalpakan, may mga paglabag din sa Automated Elections Systems Act ang Smartmatic-TIM, gaya ng hindi nito paggamit ng digital signature at ang pagiging reseller lamang ng makina dahil ang Dominion Voting Systems ang tunay na may-ari ng PCOS.