Ayon sa probisyon sa Konstitusyon na nagsasabing “the State shall protect the right to health of the people” at “protect and advance the right of the people to balanced and healthful ecology,” iniutos ng Supreme Court (SC) noong nobyembre 25 ang relokasyon ng mga higanteng oil terminal na nasa Pandacan depot, na pumugto sa hidwaan ng mga ordinansa ng dalawang nagdaang administrasyon ng lungsod.
Pinanindigan ng hukuman ang desisyon nito noong 2007 na nagpapatibay sa legalidad ng Manila ordinance 8027 – na pinagtibay ng city council noong 2001 sa panahon ng administrasyon ni Mayor Lito Atienza – na nagdeklara na mapanganib ang pananatili ng mga oil terminal sa Pandacan para sa mga residente ng Manila sapagkat maaari itong lusubin ng mga terorista tulad ng pagkawasak ng World Trade Center sa new york City. Ang ordinansa ay pinasyahang matuwid na pagpapatupad ng police power upang protektahan ang buhay ng taumbayan at tiyaking gumagamit ito ng legal na pamamaraan – itinuring ang lugar mula industriyal sa komersiyal.
Idineklara ng hukuman na unconstitutional ang Manila ordinance 8187 – pinagtibay ng city council noong 2009 sa panahon ng sumunod na administrasyon ni Mayor Alfredo Lim – na tumuring sa Pandacan compound bilang heavy industrial zone upang pahintulutan ang tuluytuloy na pananatili at operasyon ng oil depot. Inatasan ang kasalukuyang Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada, na ihinto ang pagpapatupad ng ordinance 8187 at mamahala sa relokasyon ng mga terminal. Agad namang nagpahayag ang mga higante sa langis na Petron at Pilipinas Shell na tatalima sila sa desisyon ng korte, habang sinabi naman ng Chevron Philippines na pinugto na nila ang paggamit ng pasilidad sa Pandacan noong pang Hunyo 2014. Sinabi ng Petron na lilisanin nila ang lugar sa pagtatapos ng 2015.
Ipinahayag ang mga pangamba na makaaapekto ang relokasyon ng oil depo sa supplies at presyo ng mga oil firm sa Metro Manila. Gayunman, ang pagkilos ng Chevron bago pa lumabas ang desisyon ng SC at ang kahandaan ng dalawang iba pang firm ay indikasyon na hindi dapat ito maging isang malaking problema.
Para sa mga residente ng Manila, malulusaw ng desisyon ng korte ang paulit-ulit na pangamba ng kapahamakan sakaling asintahin ng mga terorista – tulad ng mga kumikilos ngayon sa Gitnang Silangan, na ang ilan ay na-recruit mula sa Mindanao – ang mga oil terminal sa Pandacan. Magiging ilog ng apoy ang Pasig, lalamunin ang malalalawak na lugar na nasa mga pangpang nito, at posibleng mapabilang ang Malacañang.
Para sa kapanatagan ng loob ng lahat ng kinauukulan, partikular na ang mga residente ng Manila, mainam na sa wakas aalis na ang oil depot. Sa isang kakaibang pangyayari, ika-100 anibersaryo ngayong taon ng unang Shell facility sa Pandacan na naitayo noong 1914.