Ipinag-utos kahapon ng Office of the Ombudsman ang pagsasailalim sa anim na buwang suspensiyon na walang sahod si Philippine National Police (PNP) Director General Alan Purisima at iba pang opisyal ng PNP dahil sa umano’y maanomalyang kontrata sa courier service ng lisensiya ng baril.
Ipinadala na ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang kanyang direktiba kay Interior and Local Government Secretary Mar Roxas upang agad na ipatupad ang kautusan sa loob ng limang araw.
Ipinaliwanag ni Deputy Ombudsman Asryman Rafanan na ang suspensiyon kay Purisima ay may kinalaman sa kontrobersiyal na kontrata ng WERFAST para sa door-to-
door delivery ng mga lisensiya ng baril at walang kinalaman dito ang umano’y ilegal na pagbebenta ng AK-47 rifle sa mga rebeldeng komunista.
Kabilang sa mga sinuspende kaugnay sa WERFAST contract ay mga dating opisyal ng PNP Firearms Explosives Office na sina Chief Superintendent Raul Petrasanta, Allan Parreno, Eduardo Acierto, Melchor Reyes, Lenbell Fabia at Sonia Calisto; at sina Chief Inspector Nelson Bautista, Ford Tuazon at Rcardo Zapata.
Samantala, kabilang sa mga sinuspinde kaugnay sa ilegal na pagbebenta umano ng mga AK-47 rifle ay sina Chief Superintendent Raul Petrasanta, Regino Catiis, Police Superintendents Eduardo Acierto, Allan Parreno, Nelson Bautista at Ricky Sumalde; sina Chief Inspector Ricardo Zapata at Rodrigo Sarmieto; sina SPO1 Eric Tan at Randy De Sesto; at non-commissioned personnel na sina Nora Pirote. Sol Bargan at Enrique Dela Cruz. (Jun Ramirez)