Isang police asset ang inaresto kahapon matapos hagisan ng isang molotov ang Manila Police District (MPD) headquarters matapos itong madismaya dahil hindi nabayaran sa kanyang serbisyo ng pulisya.

Dakong 7:00 ng umaga kahapon nang arestuhin ang suspek na si Benjamin Maurillo, 34, residente ng Sta. Ana, Manila matapos makita ng mga testigo habang naglalakad sa loob ng MPD headquarters na may hawak na isang bote ng softdrink at isang plastic na bote ng tubig na naglalaman ng likidong kulay berde na nakumpirma ng pulisya na gasolina.

Sa ulat ni Chief Insp. Arsenio Manuel Riparip, hepe ng MPD-General Assignments Section, nagtangka pa umanong sindihan ni Maurillo ang basahan na isiniksik sa dulo ng improvised explosive device gamit ang isang lighter.

Sa panayam, sinabi ng suspek na bagamat nakumpleto niya ang isang “trabaho” na iniutos ng District Anti-Illegal Drugs, hindi siya binayaran ng pulisya ng halagang ipinangako sa kanya kaugnay sa pagtulong nito sa operasyon laban sa pinagbabawal na gamot.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kinumpirma ni DAI D Deputy Chief Insp. Randy Veran na isa ngang dating police asset si Maurillo subalit itinigil na nila ang pagkuha ng kanyang serbisyo dahil sa masamang asal na ipinakikita nito.

“Binibigyan namin siya ng pagkain dahil wala siyang tahanan. Subalit nakita naming na parang nabuburyong siya, para bang bangag sa droga,” ayon kay Veran. (Jenny F. Manongdo)