Posible nang umusad ang kasong plunder na nakabinbin laban kay Caloocan City Congressman Edgar Erice sa Tanggapan ng Ombudsman.

Ito ay makaraang ibasura ng Korte Suprema ang petisyon na inihain ng SR Metals Inc. (SRMI), San R Mining and Construction Corporation at Galeo Equipment Mining Corporation na kumukwestiyon sa desisyon ng appellate court na nagsasabing nilabag nila ang requirement sa Environmental Compliance Certificate dahil sa pagsobra sa extraction limits.

Sa desisyon ng Supreme Court 2nd Division na sinulat ni Associate Justice Mariano del Castillo, pinagtibay ng Kataas-taasang Hukuman ang desisyon ng Court of Appeals na nagsasabing may kapangyarihan ang DENR na magpawalang-bisa ng ECC ng mga small scale mining companies na lumalabag sa panuntunan sa pagmimina.

Si Erice na pangunahing bumabatikos kay Vice President Jejomar Binay ay chairman at president ng SRMI nang maisampa sa Tanggapan ng Ombudsman ang reklamong plunder laban sa kanila.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang reklamong plunder ay isinampa sa DOJ ng PNP-CIDG laban kina Erice, Agusan del Norte Gov. Erlpe John Amante, pero ang reklamo ay idinulog naman ng DOJ sa Ombudsman.

Business partner naman ni Erice ang umano’y mga malalapit na political supporter ni Pangulong Aquino na sina Miguel Alberto Gutierrez at Eric Gutierrez.

Taong 2007 pa nang maisampa sa Ombudsman ang reklamong plunder na may kinalaman sa operasyon ng SRMI sa Agusan ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin umuusad ang kaso.