NASA second reading na pala sa mababang kapulungan ng kongreso ang resolusyong naglalayong amendahan ang Saligang Batas sa pamamagitan ng Constituent Assembly. Ang kongreso ang magsususog ng pagbabago sa mga economic provision nito. Dudugtungan o idadagdag sa mga probisyong ito ang pariralang “as may be provided by law”. Kaya, ilalagay ng mga mambabatas sa kanilang kamay ang pagpapairal na ng economic provision ng Saligang Batas na ang kapangyarihang ito ay inilaan sa taumbayan. Bakit inilaan ng mga gumawa ng Saligang Batas ang kapangyarihang ito sa taumbayan? Kasi, may mahigpit na kaugnayan ito sa likas-yaman ng bansa, sa mga batayang pangangailangan ng mamamayan at sa mga instrumentong dapat lang ang mga Pilipino ay mag taglay ng mga ito para sa kanilang kapakanan. Ang mga ito ay ipamamana nila sa kanilang salinglahi. Hiwalay nating tatalakayin ito.

Kahirapan na naman ang idinadahilan ng ating mga mambabatas sa gusto nilang mangyari. Kailangan pumasok daw sa ating bansa ang mga dayuhang mamuhunan at magnenegosyo dito upang lumusog ang ating ekonomiya. Sa ganitong paraan malulunasan ang kahirapan ng ating mamamayan. Eh ito rin ang kanilang dahilan nang isinusulong nila ang Reproductive Health Bill. Ang paglobo raw ng ating populasyon ay ang nagpapadukha sa atin kaya kailangan kontrolin ito. Pero, nawalan ng batayan ang ipinangangalandakan nilang mahirap tayo nang bumulaga na lang si napoles sa ating kamalayan. Kasabwat pala ito ng ating mga mambabatas at iba pang opisyal ng gobyerno sa tiwaling paggamit ng pondo ng bayan. Hindi pala tayo mahirap. Hindi lang natin pinakikinabangan ang bilyung-bilyong pisong nararapat para sa ating lahat. Sa halip na makatulong ito para iahon tayo sa kahirapan, pinagpistahan lang ito ng iilan. Hindi pagbabago ng Saligang Batas ang remedyo sa ating kahirapan. Ang lunas ay buwagin ang imprastaktura ng pagdarambong sa kaban ng bayan na nagkaugat at lumawak na sa sistema ng paggogobyerno.
National

LPA sa loob ng PAR naging bagyo na, pinangalanang ‘Nika’