NILUNGGÂ ● Totoong hindi mauubusan sa surpresa ang ating minamahal na Pilipinas. Hindi nga ba ito ang “Perlas ng Silangan” at “Tinipong Kayamanan ng Maykapal” na binabanggit sa awiting “Ako ay Pilipino”? Kung hindi nga lang sa katarantaduhan ng ilan nating mga kababayan at matinding trapik sa ating bansa, sulit talaga ang pamamasyal ng mga dayuhan sa ating bansa. Kamakailan lang, may dumagdag sa mahabang listahan ng magaganda at nakamamanghang tanawin sa ating bansa. Natuklasan ang halons isang kilometrong nilunggâ o tunnel na nilikha umano noong panahon ng Hapón sa loob mismo ng Ilagan West Central School sa Isabela.

Ayon kay City Mayor Josemarie L. Diaz, nakatakda nila itong pagyamanin upang maging bahagi ng kanilang turismo at pinaglaanan ng pondo. Kinunsulta na rin nila ang Department of Education para sa pagpapanatili ng naturang historical site na sakop ng naturang paaralan. Sa kasalukuyan, mahigpit itong binabantayan, hindi pinapapasok ang sino man hanggang hindi ito nalilinis at natitiyak na ligtas ang lugar. Sa bagong tuklas na ito, binabati natin ang lalawigan ng Isabela sa pagkakaroon ng isa pang tourist destination material na hahalina sa pagdagsa ng mga turista.

***

WALANG LUSOT ● Muling pinaaalala ng Pambansang Pulisya na kanila nang pinaigting ang kanilang puwersa ngayong nalalapit na ang panahon ng Pasko. Siyempre, kapag sinabing ‘panahon ng Pasko’ hindi nangangahulugan iyon na mula December 16 hanggang December 25 lang o hanggang January 1. Dahil mahaba ang selebrasyon ng Pasko sa ating bansa, naroon din ang seguridad ng Philippine National Police (PNP). Kaya kung ikaw ay miyembro ng masasamang loob na aatake sa kasagsagan ng pamimili ng mga nakapagbonus sa mga mall at iba pang pamilihan, kailangang marungong maging invisible upang hindi ka makita ng mga alagad ng batas; kasi nga, once na mahuli ka, may katapat kang parusa. At siyempre, hindi lang parusa iyon, maaari kapag maging sikat dahil lalabas ka sa mga news sa TV at diyaryo na malamang din mapanood at mabasa ng mga mahal mo sa buhay. Sa lahat ng matataong lugar, maglalagay ng pulis, promise.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras