DAVAO CITY – Natuklasan sa survey ng Institute of Popular Opinion (IPO) ng University of Mindanao (UM) sa lungsod na ito na pito sa bawat 10 Dabawenyo ay boboto kay Mayor Rodrigo Duterte sa pagkapangulo.

Nakibahagi sa survey na isinagawa noong Oktubre 6-17 ngayong taon ang 1,200 residente.

May 789 respondent ang nagsabing iboboto nila si Duterte kung magdesisyon itong kumandidatong presidente sa 2016.

Tinanong din sa survey ang mga respondent sa dahilan ng pagpili kay Duterte at 79 na porsiyento ang naniniwalang magiging mahusay na leader ang alkalde.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Labimpitong porsiyento ang nagsabing mahusay na leader si Duterte dahil epektibo ang mga hakbangin nito laban sa krimen; 15 porsiyento ang naniniwalang kaya ng mayor na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan; limang porsiyento ang nagsabing kaya ni Duterte na ipatupad ang batas; tatlong porsiyento ang nagsabing kaya rin nitong solusyunan ang katiwalian at korupsiyon; at tatlong porsiyento ang nagsabing kayang pakilusin ni Duterte ang lahat ng opisyal ng gobyerno para sa maayos na serbisyo.

Ang iba pang kandidato sa pagkapangulo na iboboto ay sina Vice President Jejomar Binay, kasunod ni Duterte, na may score na 92 o 7.7 porsiyento; Manila Mayor Joseph Estrada na may 83 puntos o 6.9 porsiyento; Pangulong Benigno S. Aquino III na may 80 points o 6.7 porsiyento; Grace Poe na may 71 puntos o 5.9 percent; at Francis Escudero, na may 24 na score o dalawang porsiyento.

Nasa 12 points o isang porsiyento lang ang nakuha ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas, habang 15 o 1.3 porsiyento naman kay Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos.

Sa mga hindi bumoto kay Duterte ay 35 porsiyento ang nagsabing mas gusto nila siya bilang alkalde; 16% ang nagsabing naniniwala silang paninindigan ng alkalde ang sinabing hindi kakandidato para pangulo; 13% ang nagsabing masyado nang matanda si Duterte para maging presidente; 6% ang nagsabing may sakit ang mayor; 11% ang naniniwalang hindi kakayanin ng alkalde ang pulitika sa Maynila; at 4% ang nagsabing hindi mananalo si Duterte dahil sa kawalan ng pondo, makinarya at suporta mula sa malalaking pangalan sa pulitika. (Alexander D. Lopez)