Hindi lamang ang pamilya ni Guillo Cesar Servando – ang estudyante ng De La Salle – College of Saint Benilde na pinatay sa pamamagitan ng hazing – ang makahihinga nang maluwag kundi maging ang mga kaanak ng biktima rin ng paglabag sa Anti-Hazing Law. Isinampa na sa husgado ang kaso laban sa 14 na miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity na isinangkot sa sinasabing mabangis na pagpatay sa naturang estudyante sa isang fraternity rites sa Makati, limang buwan na ang nakalilipas.

Marapat lamang na asahan ng pamilya Servando ang hindi usad-pagong na paggulong ng katarungan, tulad ng nangyayari sa maraming kasong sibil at kriminal. Naririyan pa rin, halimbawa, ang mga hazing victims na ang sinapit na kamatayan ay nasa investigation stage pa lamang, wika nga. Uhaw na uhaw na sila sa hustisya, at tulad ng laging sinasabi natin – sila ay patuloy na nagbibiling-baligtad sa kani-kanilang mga libingan. Ang kaso ni Leni Villa, halimbawa, ay tumagal ng maraming taon bago nahatulan. Ito ay dapat na rin nating ipagpasalamat.

Yamang nakasampa na ang nabanggit na asunto, hindi na natin sasalangin pa ang merito nito. Pagtuunan na lamang natin ng pansin ang maka-hayop na pagpaparusa sa ilang fraternity. Lagi itong tinatampukan ng hindi makataong aktibidad na tila hindi na naglalayong paigtingin ang pagkakapatiran sa naturang organisasyon. Sa ibang salita, hindi na ito matatawag na society of brotherhood kundi society of barbarism. Tayo man ay naging miyembro rin ng fraternity – ang Delta Sigma Lambda Fraternity, society of student leader ang scholars sa Far Eastern University. Ang fraternity rites ay kinapapalooban ng tinatawag na human approach at fruitful lectures and psychological initiation. Walang gumagamit ng matitigas na bagay upang ipampalo sa mga neophytes; at makatao ang mga Masters. Naniniwala ako na hindi dapat ipagbawal ang mga fraternity. Kailangan lamang iwasan ang mga kalupitan na talagang hindi matatanggap ng lipunan.

Sa kabila ng lahat ng ito, inaasahan natin lahat ang pagpapabilis ng paggulong ng katarungan laban sa mga dapat managot sa mabangis na fraternity rites na isang tandisang paglabag sa Anti-hazing Law.

House Sergeant-at-Arms kay VP Sara: 'Pinagbigyan pero sumobra!'