Pinayuhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga holiday party-goer na maging safety-conscious kapag nagmamaneho pauwi mula sa pagdalo sa mga kasiyahan dahil karaniwan nang napapadalas ang aksidente sa lansangan tuwing Christmas season.
Pinaalalahanan ni MMDA Chairman Francis Tolentino ang mga driver na maging responsable sa sarili at iwasang magpakalasing upang hindi maaksidente.
“Base sa aming records, karamihan ng mga nasasangkot sa aksidente tuwing holiday season ay mga motoristang lasing,” sinabi ni Tolentino sa mga mamamahayag.
Para sa mga pasahero, pinayuhan sila ni Tolentino na magsama na lang ng driver na hindi iinom ng lasing.
Alinsunod sa kampanya ng MMDA laban sa pagmamaneho nang lasing, sinabi ni Tolentino na itatalaga ang Task Force Phantom upang tumukoy sa mga lasing na driver sa Metro Manila pagsapit ng gabi.
Ang mga miyembro ng task force ay mga traffic enforcer na nakasakay ng motorsiklo, bukod pa sa mga armadong operatiba ng Highway Patrol Group (HPG). Tatao rin sa mga checkpoint malapit sa mga entertainment establishment na karaniwang pinagdarausan ng mga party, ayon kay Tolentino.
Dala ng task force ang mga breathe analyzer kit, na makatutukoy sa blood alcohol concentration (BAC) sa taong pinaghihinalaang nasa impluwensiya ng alak.
Batay sa record ng Metro Manila Accident Recording and Analysis System, alak ang isa sa mga pangunahing sanhi ng aksidente sa lansangan sa Metro Manila, na umabot sa 64 ang naitala noong 2013.