Sinimulan ng Senate Blue Ribbon Committee ang kanilang imbestigasyon sa Malampaya Fund noong Lunes, partikular na sa P900 milyon na dapat sanang napunta sa 12 non-government organization sa pamamagitan ng Department of Agrarian Reform (DAR). Lumalabas ngayon na ang Napoles-NGO connection ay maliit lamang na bahagi ng mas malaking kaso na kinasasangkutan ng mahigit P15 bilyon.
Sa idinaos na pagdinig sa Senado, sinabi ni Chairperson Maria Pulido Tan ng Commission on Audit (COA) na may mga “red flag” o mga warning signal sa pag-release ng pondo sa napakaraming ahensiya, hindi lamang ang DAR. At habang inilalabas ang malalaking salapi noong 2008 at 2009, sa nagdaang administrasyon, ang nagkaroon din ng releases noong 2011 sa panahon ng kasalukuyang administrasyon.
Ang Malampaya Fund ay dapat lamang gamitin upang ipanustos sa energy resource exploration at pagpapaunlad nito sa ilalim ng 1972 presidential decree. Sa bisa ng isang 2009 executive order, pinahintulutan ang expansion na gamitin ang naturang pondo para sa iba pang layunin ngunit ipinagbawal ito ng Supreme Court (SC) noong 2013.
Sa pagdinig ng Senado noong Lunes, tumestigo si Chairperson Tan na ini-release ang Malampaya Funds sa mga sumusunod na ahensiya: Department of Agriculture (DA), P5.8 bilyon noong 2008 at 2009; Department of Public Works and Highways (DPWH), P7.6 bilyon noong 2009; at Department of Interior and Local Government (DILG), P2.3 bilyon noong 2009 at 2011.
“Mas maliliit na halaga” ang ini-release sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration, P400 milyon; National Housing Authority, P1.398 bilyon; Department of Health, P745 milyon; Department of Transportation and Communication, P296 milyon; Coast Guard, P50 milyon; Department of National Defense, P7.45 bilyon; National Electrification Administration, P1.9 bilyon; National Power Corp., P6.6 bilyon; Department of Energy, P550 milyon; Albay provincial government, P47 milyon; Tabaco City government, P15 milyon; Palawan provincial government, P1.78 bilyon; at Puerto Princesa City government, P270 milyon.
Kailangan nating magbantay laban sa paunang paghahatol sa malaking fund releases. Walang makapagsasabi na napunta ang mga ito sa hindi awtoridadong mga partido, tulad na lamang sa kaso ng P900 milyong DAR-Napoles connection na nag-udyok sa imbestigasyon. Sa ngayon, ang maaaring nilabag ay ang presidential decree, na kalaunang itinaguyod ng SC, na dapat lamang gamitin ang Malampaya Fund para sa energy development.
Ngunit ang salaping sangkot sa imbestigasyon ay nagmula sa orihinal na R900 milyon na lumobo sa P15 bilyon, na nagdagdag sa malaking kabiguang naramdaman ng marami nating kababayan. Maghihintay na lamang tayo sa mga mangyayari sa susunod na mga sesyon ng imbestigasyon.