ISA pang paksa na tiyak na namang pag-uusapan ang tatalakayin ng Maalaala Mo Kaya sa Sabado (Disyembre 6).

May mali nga bang pagmamahalan sa mata ng Diyos at mata ng tao?

Gaganap si Arjo Atayde bilang pari at gagampanan naman si Yen Santos bilang madre sa kuwento ng pagmamahalang itinakda ng tadhana.

Nagsimula ang naiibang love story nina Fr. Francis at Sister Joanna nang himukin ng huli ang una na makiisa sa isang non-government organization na tumutulong sa mga militanteng grupo. Mula sa pagiging simpleng magkakakilala na sabay nagmamartsa sa Mendiola, nagkalapit sina Fr. Francis at Sis. Joanna dahil sa maraming bagay na pinagkukwentuhan nila gaya ng kanilang piniling bokasyon, ang hangaring makatulong at makapagsilbi sa kanilang kapwa, at ang kanilang personal na buhay.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Dahil sa labis na saya na dulot ng madalas nilang pag-uusap at pagsasama, umusbong sa pagitan ng magkaibigang Fr. Francis at Sis. Joanna ang isang espesyal na pag-ibig—isang damdaming nagtulak kay Sis. Joanna na iwan ang kanyang bokasyon upang iligtas ang kanyang minamahal sa posibleng pagbitaw sa kanyang pagpapari.

Pero ano ang mangyayari kapag nalaman ni Fr. Francis ang sakripisyong ginawa ni Sis. Joanna? Paano higit na mapapalalim ng kanilang pag-ibig ang kanilang relasyon sa Panginoon?

Makakasama nina Arjo Atayde at Yen Santos sa MMK episode na ito sina Gio Alvarez, Jopay Paguia, Abby Bautista, Minco Fabregas, Aleck Bovic, Melissa Mendez, Jerry O’Hara, Peewee O’Hara, Bodjie Pascua, Rubi Rubi, at Dale Badillo, mula sa panulat nina Joan Habana at Arah Jell Badayos at sa direksyon ni Elfren Vibar.

Ang MMK na pinamumunuan ng business unit head na si Malou Santos at creative manager na si Mel Mendoza-del Rosario ay napapanood tuwing Sabado, 7:15PM, pagkatapos ng Home Sweetie Home sa ABS-CBN.